Home>Editorial>Opinion>‘Philhell’

‘Philhell’

HINDI ko alam kung saan nanggaling ang 234,000 COVID cases dito sa atin.

Ang average na kaso natin daily ay nasa 2,000. May mga araw na humataw pa sa 4,000 plus. Sa tuwing maririnig natin ang daily numbers, iisipin mo rin kung bakit ganoon karami at kung saan-saan nanggaling ang mga ito.

Noong Sabado, September 5, nasa 2, 529 COVID cases ang naitala at 3,790 na ang total ng namatay.

Isipin mo, kung ang mahigit dalawang daang libong infected na yan ay palabasin ng gobyerno, baka magmukha na tayong Train to Busan or Colony or Contagion. Iyon ay kung totoo ngang virus cases ang lahat ng ito.

Paano naman kung ang ibang kaso dito ay produkto lamang ng katiwalian tulad ng nadiskubre sa imbestigasyon ng Senado at Kongreso?

Iyon tipong, kahit natinik lang ng isda habang kumakain, COVID agad ang findings ng duktor, patay na tayo dyan! Masyado kasing malaki ang perang umiikot para sa COVID cases kaya naglabasan na naman ang mga maabilidad.

Kaya hindi natin masisi ang maraming kuwestiyon sa paglalabas ng pera sa Philhell este Philhealth dahil ga-bundok na pondo pala ang pinag-uusapan natin dito.

Kapag kidney dialysis, aabot lang sa P3,00 hanggang P5,000 ang singil ng mga ospital. Iyong na nabunyag noon na cataract scam, nasa P16,000 per patient ang reimbeursement sa Philhell sa halip na P5,000.

Pero dito sa COVID, pagsama-samahin mo na lahat yang laman loob ng pasyente mula sa mata, kidney, lapay, isaw, lalamunan hanggang tumbong, hindi pa din uubra sa inilaan na budget para sa COVID patient.

Nakalagulat pala ang singilan ng ospital, doktor at Philhell, tumataginting na P750,000 per patient! Ibig sabihin, ang ospital na tumanggap at makapag-diagnosed ng 10 COVID patients, puwede silang mag-reimburse sa Philhell ng hanggang P7.5 million sa isang araw.

Imagine, kung magsabwatan ng duktor, ospital at Philhell, kahit buntis na namatay sa panganak ay puwede nilang ideklarang COVID. Ang mabigat, iyong karpintero na napako sa talampakan at namatay sa tetano, puwede rin nilang sabihing COVID ang ikinamatay. Ang mas masakit dito, bawal ang lamay, hindi rin puwedeng isailalim sa autopsy findings dahil kailangang sunugin ang bangkay hanggang sa maabo para “hindi kuno makahawa.”Ano ngayon ang laban ng pamilya kahit kumuha pa sila ng pinakamagaling na forensic?

Wala na silang magagawa, abo na ang bangkay. Mabuti sana kung parang pulburon ang abo ng cremated na puwedeng tikman para malaman ang flavor! Ang problema, walang paraan upang magkaroon ng second opinion or counter findings.

Kaya nga sabi sa findings ng Senado at Kongreso, P3.8 bilyon lamang ang dapat na budget sa COVID cases pero may mga genius sa Philhell na ginawang P28 billion.

Ang nakakainis, habang lahat tayo ay takot na takot sa COVID dahil nakamaskara, naka-face shield at iyong iba ayaw pang palabasin, may mga tao naman palang hindi rin lumalabas dahil nagbibilang ng mga perang kinita sa virus.

May mga tao palang kayang umaktong halimaw sa gitna ng nahihintatakutan nang mamamayan. Sa dugo ng populasyon sila nabubuhay.

Sana lang, habang nagpapasasa sila at ang kanilang pamilya sa pera ng mamamayan, naiisip man lang nila ang milyun-milyong mamamayan ang nawalan ng trabaho, ang daan-daang kompanyang nagsara at ang bumagsak na ekonomiya ng bansa.

Tsk, tsk, tsk, kung kaya ko lang kayong ipasibat ng tinidor kay Satanas!

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV