Home>Editorial>Opinion>Philippine library system isunod sa modernong panahon

Philippine library system isunod sa modernong panahon

SA PANAHON ngayon, lalong napatunayan ang kahalagahan ng modernong teknolohiya at sa isang ‘click’ lang ay makikita o mahahanap mo na ang mga kailangang impormasyon.

Kung ang halos lahat ay sumasabay sa pagbabago ng sistema lalo na sa paggamit ng computer o iba pang gadgets, nararapat din na sumabay ang ating mga library upang mas dumami ang outlet ng mga estudyante na mapagkukunan nila ng tamang impormasyon na kailangan nila sa pag-aaral.

Kaya naman, sadyang makabuluhan ang isinusulong ni Senador Sonny Angara na panukala para sa pagpapalakas ng Philippine Library System upang makatugon sa mga pangangailangan sa kasalukuyang panahon.

Sa paghahain ng Senate Bill 1879, nais ni Angara na amyendahan ang Republic Act 7743 o ang batas kaugnay sa pagtatayo ng congresssional, city at municipal libraries gayundin ng barangay reading centers sa buong bansa.

Sinabi ni Angara na dahil sa COVID-19 pandemic, dapat nang amyendahan ang batas at tiyakin na ang lahat ng public library at reading centers sa bansa ay mayroong latest information management system.

In particular, we aim to underscore that in a time of social distancing and strict health protocols, public libraries and reading centers should not only continue lending out reading materials –physical or digital — but also provide other services that would benefit the community,” pahayag ni Angara sa kanyang explanatory note.

Binigyang-diin ng senador na kabilang sa dapat na serbisyong ilalagay sa mga public library at reading centers ang free wifi, affordable rentals ng ICT equipment tulad ng smartphones, tablets, laptops, desktop computers at mobile wifi hotspots.

Maaari ring isama ang webinars at online training modules para sa reskilling at upskilling.

We also intend to underscore that public libraries and reading centers should actively participate in the preservation of local heritage and history. In this way, they become crucial to promoting nationalism, socio-civic consciouness, and harmony throughout the community,” dagdag ni Angara.

Alinsunod din sa panukala, ang pondo para naman sa National Library ay itataas sa P500 milyon kada taon para sa electronic library system.

Kung masusunod ang panukala ni Angara, mas marami ang matutulungan dahil sa libre nilang magagamit ang mga pasilidad sa mga library partikular ang mga computer at internet.

Marami rin ang mae-engganyo na magtungo sa mga e-learning centers para sa kanilang research at karagdagang mga kaalaman.

Umaasa tayo na agad nang matatalakay ang panukalang ito at maaaprubahan bilang batas lalo na’t ito ang kailangan ngayong panahon ng pandemya sa gitna ng ipinatutupad na blended o online learning.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large