Home>Editorial>Opinion>Piliin nang mabuti ang gusto nating iboto

Piliin nang mabuti ang gusto nating iboto

BAGO ang lahat, isa munang sinserong pasasalamat sa ating Dakilang Lumikha, sa kanyang patuloy na pagbibigay sa atin ng lakas ng katawan at isipan upang patuloy nating magampanan ang ating mga obligasyon at responsibilidad sa ating mga buhay at higit sa lahat, patuloy na magbigay ng papuri at pasasalamat sa Kanya.

***

Ilang araw mula ngayon, Bagong Taon na naman, mga kabayan. Bagong pag-asa at siyempre, panibagong “pakikibaka.

Sa panig ng National Press Club (NPC), natutuwa naman tayo na sa kabila ng matinding pagsubok na “dinaanan” nating lahat, partikular sa panahon ngayon ng pandemya, nananatiling matatag—at patuloy sa pagtaas ang kredibilidad—ng pinakamalaki at pinakamamalawak na samahan ng mga aktibong kasapi ng pamamahayag sa Pilipinas.

Sa ating pagbabalik-tanaw, umabot sa apat na “buhos” ng ayuda ang nailunsad ng NPC para sa mga miyembro nito; nakapagbigay din tayo ng ayuda sa kahit hindi natin mga miyembro, sa tulong na rin ng mga indibidwal, personalidad at mga organisasyon na naniniwala at may respeto sa NPC.

Higit pa rito, natutuwa tayo na dahil sa magandang ehemplo ng NPC, nagbigay ito ng inspirasyon sa iba pang mga ‘local press corps’ na ‘affiliated’ sa NPC (umaabot na sila sa higit 20 organisasyon sa ngayon) upang magsagawa rin ng kanilang mga lokal na ‘relief operations.’

Ang ganitong mga inisyatiba, sabihin pa, ay nakatutulong upang itaas pa ang kredibilidad ng mga kasapi ng media sa ating bansa na hindi lang mga responsable sa pagkalap at pag-uulat ng mga balita bagkus, marunong din palang tumulong sa kanilang kapwa. Ayos, hindi ba, mga “kapatid?”

***

Sa pagpasok din ng 2021, masasabing “pumasok” na rin ang ‘election period’ para sa halalan sa 2022, kung saan lahat ng ‘elective position’ sa ating gobyerno ay “paglalabanan” ng mga kandidato—mula sa pangulo ng ‘Pinas hanggang sa alkalde ng kahit pinakamaliit na munisipalidad sa ating bansa.

Ayaw pa nating magbigay ng komento hinggil sa mga kandidato, dear readers.

Sapat na marahil sa ngayon na magbigay ng paalala sa ating mga botante na tigilan na estilong bulok at “kilatisin” nating mabuti ang ating mga kandidato.

At ang “estilong bulok,” sabihin pa, ay ang “pagbebenta” ng ating mga boto tuwing halalan.

Isipin din natin na bagaman sa susunod na taon ay darating na ang “bakuna” laban sa COVID-19, hindi ito sapat upang tuluyang “makawala” tayo sa pandemyang ito.

Ayon pa nga sa mga eksperto, aabot pa sa susunod na limang taon bago tuluyang maging ligtas sa COVID-19 ang buong mundo.

Translation? Krusyal ang magiging papel ng ating mga susunod na lider kaya dapat lang silang “salain” sa kanilang mga kuwalipikasyon upang maging mga susunod na pinuno, tama ba?

At kung mga tiwali pa rin at mga mandarambong pa rin ang ating pipiliin, sa LGUs man o sa Malakanyang, eh, wala na talaga tayong pag-asa pa na makabangon pa sa pandemyang ito, peksman!

Translation ulit? Huwag na tayong “magpabola” sa kahit sinong kandidato na magaling magsalita at matikas ang porma.

Dahil nga kasi palaging ganito ang gusto ng mga botanteng Pinoy, pagmasdan ang resulta!

Ang ating Senado at Kongreso ay siksik, liglig at umaapaw sa mga halal na lider na wala naman talagang kakayahan at karapatan na maluklok sa puwesto, huhuhu!

Publication Source :    People's Tonight