Pine-fake news si National Capital Region Police Office chief General Eleazar!

November 19, 2018

AYAW ko sanang gawin pa ang artikulong ito.

Ang kaso, hindi maganda ang insinuwasyon ng ilang kritiko na kapag pulis ang nakakulong ay may special treatment agad.

Kaya kamakailan ay muling nagsagawa ng ‘surprise visit’ ang masipag na hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) -- si Director Guillermo Eleazar.

Nitong nakalipas na Miyerkules ng gabi, pinuntahan ng opisyal ang Manila Police District (MPD).

Ang target niya sa sorpresang pagbisita rito ay si PO1 Eduardo Valencia, pulis na inakusahan ng rape sa isang menor de edad na ang magulang ay naunang inaresto dahil umano sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Normal na kay Eleazar ang pagsasagawa ng ‘surprise inspection.’

Pero aminin o hindi ng heneral, naapektuhan siya sa lumabas sa isang pahayagan (hindi ko na sasabihin kung anong dyaryo) ang may pasaring na binibigyan daw ng ‘special treatment’ si Valencia.

Ang nasabing report ay isang uri ng ‘fake news,’ dahil napatunayan mismo ni Eleazar na walang ‘special treatment’ kay Valencia at nananatili itong nasa loob ng kulungan nang bisitahin niya nitong nakalipas na Miyerkules.

Ang catch, ang nasabing pahayagan na nagpapakalat ng pekeng balita kaugnay sa umano’y special treatment sa nakakulong na parak ay hindi naman naglabas ng ulat na nananatili itong nasa loob ng selda kasama ang ilang detainees.

Ibig sabihin, walang ibang pakay ang sumulat ng naturang istorya kundi sirain lamang ang magandang imahe ng PNP, partikular na ang NCRPO.

“Sinisiguro ko lang kasi na talagang nakakulong siya kagaya ng ibang nahuhuli natin. Isa kasi itong pulis at maaaring iniisip ng ibang kababayan natin na porke pulis iyan baka mamaya binibigyan ng special treatment ng mga kabaro. Nasiguro natin, naipakita natin at gusto ko na ring malaman ng ating mga kababayan at ng publiko na kinasuhan natin siya ng rape at nananatiling nakakulong kasama ng other suspects na arestado ng kapulisan,” sabi pa ni Eleazar.

Bukod nga pala sa MPD, magkakasunod na binisita rin nito ang Pandacan Police Station 10, Malate Police Station at Sta. Ana Police Station 6.

“Kasi siyempre kung surprise, malalaman natin kung ano talaga yung kanilang ginagawa. Itong Station 6 actually, isa ito sa mga stations noon na una kong ininspek, few months back. Ang observation ko noon, wala yung station commander. Madumi yung paligid. Pero ngayon nandito yung station commander at maayos naman,” sabi pa nito.

Wala ring naabutang tulog na pulis si Eleazar sa mga binisita nitong police stations -- patunay na epektibo ang ginagawa niyang ‘suprise inspection’ na inumpisahang gawin noon ni PNP chief Director General Oscar Albayalde noong NCRPO chief pa ito.

Alam nating lahat na prayoridad nina Albayalde at Eleazar na linisin ang kanilang hanay, bukod siyempre sa giyera kontra droga at pagtiyak sa seguridad at kaligtasan ng ating mga kababayan.

* * * 

Samantala, tulad ng inaasahan, umani ng iba’t ibang reaksiyon ang panawagan ni Albayalde sa producer ng ‘Ang Probinsyano’ na wag palabasing masama sa mata ng manonood ang ating kapulisan.

Maraming sunalsal at sumawsaw sa isyu.

Ang premise ng panawagan ay sana naman maging maayos ang gawing presentasyon ng ating kapulisan sa ating manonood.

Totoong hindi perpektong organisasyon ang PNP  dahil may iilan pa ring kumag, tiwali, tamad, tulak at kung anu-ano pang masasamang ugali ng isang indibiduwal.

Pero mas marami po sa ating kapulisan ang matino.

Malinaw din sa pahayag ng PNP at ni DILG Sec Eduardo Año, na hindi gusto ni Albayalde na ipahinto ang pagpapalabas ng Ang Probinsyano.

Ang problema ngayon, sa dami ng umeepal, para bang walang kabuluhan ang panawagan ng PNP chief na ang tingin ko naman ay tama, tumpak at marapat lamang.

Ang bawat manunulat ay may kaakibat na responsibilidad. Diskarte ng ‘scriptwriter’ iyan kung ganoon talaga ang atake ng kanilang palabas, pero sana kaunting konsiderasyon din naman dahil ‘nasasaktan’ na ang mga kababayan nating pulis -- opisyal man sila o simpleng PO1 lamang.

Sa kabilang dako, tama rin ang ginawang aksiyon ng producer ni Coco Martin na magkaroon ng dayalogo sa DILG at PNP.

Kaya yung mga epal dyan na walang ginawa kundi manggatong pa para magalit ang taumbayan sa ating kapulisan, sorry na lang po, dahil hindi kasing kitid ng utak n’yo ang magagaling na writer ni Cardo Dalisay!