Pinoy lodi si Maj. Gen. Guillermo Eleazar!

MARAMING magulang ang natuwa sa bagong direktiba ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar na ipatupad ang mga local ordinances na naglalayong ipagbawal ang lahat ng estudyante sa mga internet shops at billiard halls tuwing oras ng pasukan.

Ayon kay Eleazar, kailangang matiyak ng kapulisan na walang sinumang estudyante sa kalakhan ang makikitang nagbibilyar, nagbubulakbol at nakatambay lamang sa mga computer shops. Ang masaklap, ilan pa sa mga estudyante ngayon na sa halip nasa loob ng klase para mag-aral ay nagka-cutting class lamang at iyong iba ay nasa inuman o nagdo-droga.

“Kawawa naman po ang ating mga magulang kung matuklasan nila na ang mga pinag-aaral nilang anak ay nagka-cutting classes at nag-i-istambay lang,  umiinom o nagsisigarilyo sa mga internet cafes, malls at mga bilyaran,” ani Eleazar.

Bilang isa ring magulang, inamin ni Eleazar na nasasaktan siya sa tuwing may nakikita o nababalitaang kabataan na sa halip mag-aral ng mabuti ay naliligaw pa sa masamang landas.

Nagpapasalamat ang heneral sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa kanya sa pagkakaroon ng mga mabubuti at responsableng anak, gayundin ang isang mabuting asawa.

Gayunpaman,  hindi nito maitago ang kalungkutan sa tuwing may nababalitaang magulang na namo-monoblema sa kanilang mga supling.

Iba’t ibang ordinansa na ang pinagtibay sa ilang local government units, ngunit patuloy pa rin ang natatanggap na reklamo ng mga awtoridad tungkol sa pagbubulakbol ng ilang mag-aaral, bagay na dapat ipatupad ang itinatadhana ng batas.

Hindi man maaaring makulong ang mga pasaway na kabataan ay malaking bagay kung may mga pulis ang makikitang aktibong nagbabantay hindi lamang sa mga kriminal sa kalsada kundi para tugaygayan na rin kung sila ba ay pumapasok sa eskuwelahan o hindi.

Ang direktibang ito ni Eleazar ang magsisilbing hudyat din para sa ilang barangay officials  na may eskuwelahang nasasakupan upang sila mismo ang ‘manghuli’ at magpasara sa mga establisimentong kumukunsinti o nag-iimpluwensya mismo para matututo ng masamang bisyo ang ating mga kabataan.

Nasisiguro kong bukod sa mga magulang na natutuwa ngayon sa bagong programa ng NCRPO laban sa mga bulakbol na mag-aaral ay marami ring alkalde at iba pang local government officials ang sasaludo kay Eleazar.

Si Eleazar, miyembro ng Hinirang Class of 1987 ng Philippine Military Academy (PMA), ay kilalang ‘disciplinarian’ sa kanyang mga tauhan.

Tulad ng ‘idol’ niyang si PNP chief Gen. Oscar Albayalde, ito mismo ang kumakastigo sa mga pasaway na pulis, lalo na iyong mga kriminal, bastos, kotongero at mga alagad ng batas na patong sa droga.

Ang nakatutuwa, marami na tayong kababayan ngayon ang umiidolo sa pagiging mahusay na pinuno ni Eleazar.

At take note, ang paghangang ito ay hindi lamang sa loob ng Metro Manila, kundi pati na rin sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa nakalipas na campaign sorties, palagi nating nakakausap ang ating mga kababayan sa iba’t ibang probinsiya na bagaman natutuwa sila sa performance ng kanilang mga local na pulisya, hinahanap pa rin nila ang ‘management style’ nina Albayalde at Eleazar.

Sabi ng isa nating kababayan sa Iloilo, kung ang mga heneral na nanunungkulan ngayon ay katulad nina Eleazar, hindi malayong lalo pang mapapadali ang kampanya ng Duterte administration para malupil nang tuluyan ang salot na droga sa bansa.

Naniniwala silang sa pamamagitan ng tapat, matapang at bruskong pamamahala ni Eleazar ay tuluyan nang mababawasan ang mga pasaway na pulis.

Hanggang ngayon, walang tigil ang ginagawang surprise visit ni Eleazar sa mga lokal na pulisya para malaman kung may mga pulis pa ring natutulog  o kung di man ay umiinom sa oras ng kanilang trabaho.

Isang kababayan natin na mula naman sa Cebu province ang nagsabi sa inyong lingkod na sana raw ay magkaroon din sila ng pagkakataong makapag-selfie kay Gen. Eleazar  dahil ‘idol’ daw nila ito lalo na sa tuwing nakikita nila sa telebisyon at social media na ito mismo ang dumidisiplina sa mga pasaway na pulis.  

Sa puntong ito, hindi na ako nagtaka kung bakit sa buong Pilipinas ay kilala si Eleazar dahil akma rin  ang ‘leadership style’ nito sa programa at misyon ng Pangulong Duterte na maging ‘drug free’ ang bansa at tuluyan nang maubos ang tinatawag na narco cops at mga iskalawag na pulis.
Bigla ko tuloy naisip na sana kung sakaling matuloy ang pagreretiro ngayong Nobyembre ni Gen. Albayalde ay si Gen. Eleazar na rin ang maging kapalit na PNP chief upang maipagpatuloy ang legasiyang nasimulan noon pa ni dating national police chief at ngayo’y Senator-elect Bato dela Rosa.