Plasma ng pagasa, suportahan natin

BAYANIHAN ang naging tema ng pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic at napatunayan naman ito sa ilang mga hakbangin ng ating mga kababayan.

Hindi lamang sa ayudang salapi, pagkain, gamot at iba pang pangangailangan, ilan na rin sa mga gumaling sa sakit ang tumutulong sa pamamagitan ng blood plasma donation upang mas marami pa ang marekober.

Dahil dito,sa layong mas marami pang COVID-19 survivor ang mahikayat na mag-donate ng kanilang blood plasma, inilunsad ni Senador Sonny Angara ang isang website para mapadali ang proseso ng donasyon.

Sa pamamagitan ng Plasma ng Pag-asa website, maaring magrehistro ang COVID-19 survivors at makatulong sa convalescent plasma transfusion para sa mga pasyenteng may severe infection.

Sa convalescent plasma transfusion, ang antibodies ng COVID-19 survivor ay isasalin sa critically ill patient.

"It’s time COVID-19 survivors pay it forward! My office, with help from Bacolod-based web developer Talking Myna, developed #PlasmaNgPagasa, a one-stop-shop website where COVID-19 survivors can privately register with collecting hospitals their intent to donate convalescent plasma," saad ni Angara sa kanyang Facebook post.

Ayon kay Angara, kapartner nila sa programa ang Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines, at St. Luke's Medical Center (BGC at QC) at patuloy pa silang nagpapalawak ng network.

"Some studies suggest that convalescent plasma from COVID-19 survivors can help those who are critically ill to recover faster from the disease. While more research is needed, a University of Texas at Austin peer-reviewed study has found that the experimental treatment is completely safe," diin ni Angara.

"Sa madaling salita, mas may pag-asa, ‘pag may plasma," dagdag pa nito.

Noong July 2, muling nag-donate ng blood plasma si Angara.

Matatandaang noong Marso, isa si Angara sa tatlong senador na nagpositibo sa COVID-19 kasama sina Senate Majority Leader Migz Zubiri at Senador Koko Pimentel.

Nang makarekober noong Abril, agad nang nagdonate ng plasma si Angara gayundin si Zubiri.

Subalit noong Mayo, muling nagpositibo sa COVID-19 si Angara subalit ipinaliwanag na ito ay dahil lamang sa mga natitirang bahagi ng virus at hindi na nakakahawa.

Umaasa tayo na magiging matagumpay ang hakbangin na ito ni Sen. Sonny upang matagumpay nating malagpasan ang pagsubok na ito sa ating buhay.

Umaasa rin tayo na tulad ni Sen. Sonny, mas marami pang COVID-19 survivors ang tumulong at buong pusong makiisa sa donasyong ito.

Sen. Sonny, tunay na nasa dugo mo ang serbisyo publiko! Stay safe!