Plastic queen sa Senado

February 18, 2019

NAGKAROON ng online survey na ganito ang tanong: Sino sa tingin nyo ang mas maraming nagawa, si DOTr Secretary Art Tugade o si Senadora Grace Poe?

Nilagyan ng pictures nilang dalawa ang tanong. Halos 8,000 ang sumagot sa online. Ang resulta ng dalawang araw na survey:  Secretary Tugade, 97% (7,800), si Poe, 3%. (238).

Hindi ako nagtatakang ilampaso si Poe sa online voting kasi alam naman nating wala siyang ipapanalo kapag parehas ang tanungan. Siguro kung ang tanong ay ganito: Sino ang mahilig mag-imbestiga para sa propaganda pero wala namang nagagawa para sa bansa? Siguradong patok si Poe, baka solo niya ang 100%.

Wala ba kayong napapansin, ang bisyo ni Poe bukod sa paninigarilyo at alak sabi ni Pangulong Duterte, bisyo na rin niya ang mag-imbestiga nang walang kinahihinatnan.

Kaya nga palagi siyang topnotcher sa mga pre-election survey dahil na-master na niya ang pag-emote sa TV sa tuwing may imbestigasyon. Hindi totoo ang tsismis na si Poe ang nakaimbento ng “emoji” na ating nakikita sa lahat ng platforms sa social media.

Kita nyo naman ang mga photo release niya, kung hindi nagkukunwaring sumasakay sa MRT, hayun, nagkukunwaring madasalin sa simbahan habang napapaligiran ng sangkatutak na photographers.

Si Grace talaga ang ultimate tra-poe na kahit bagito sa pulitika, kilos traditional politician. Ang problema, marami sa kanyang propaganda ay nag-iiwan ng bad taste dahil marami ang nasusuka.

Alam naman natin ang agenda ni Madame Grasya sa kanyang mga kilos. Hindi lang ang manalo ulit sa pagka-senadora ang gusto niyang mangyari. Ang totoo, unang baytang lang itong midterm elections dahil ang talagang target niya ay kumandidato ulit na presidente sa 2022. Sus, kung puro porma at propaganda lang sukatan ng pagiging pangulo, aba’y  runaway winner na siya.

Umaasa tayo na magigising ang taumbayan sa paparating na eleksiyon at makikita nilang bolera lamang si Grace. Kung number one man siya ngayon sa mga survey, alam nating hindi ito ang repleksiyon kapag natapos ang eleksiyon. Kapag bumaba si Poe sa No. 5 or below after ng eleksiyon, para na rin siyang natalo.

Kaya nga nanalo si Pangulong Duterte noong 2016 ay dahil alam na ng taumbayan na maraming kandidato ang sagad lang sa kaplastikan pero walang ibubuga sa totohanan.

Kung may plastic king sa Valenzuela, mayroon ding plastic queen sa Senado!

Kunsabagay, ang kagandahan sa plastic, hindi nabubulok.
allanpunglo@gmail.com