Home>Editorial>Opinion>PNP Guide Book dinededma lang ng ilang pulis

PNP Guide Book dinededma lang ng ilang pulis

MUKHANG hindi na pansin ng ilang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang Guide Book on Human Rights at Operational Procedures na dapat ay magsilbing gabay sa kanila sa pagtupad sa tungkulin.

Hanggang ngayon kasi, may ilan pa ring tauhan ng PNP na sa halip na basahin at intindihin ang mga isinasaad ng PNP Guide Book, na kung tutuusin ay kanilang “Bibliya”, mas ipinaiiral pa rin ng ilan ang pagpapamalas ng kapangyarihan bilang pulis, lalu na sa mga ordinaryong mamamayan, na dahilan upang hirap silang maibalik ang tiwala ng taumbayan.

Halimbawa na ang ginagawang panghuhuli ngayon ng mga pulis sa mga lumalabag sa ordinansa tulad ng pag-inom ng alak sa kalsada, paglabas ng bahay ng walang suot na face mask at iba pang uri ng paglabag na may katapat lamang na pagpapataw ng kaukulang multa.

May isa kasing bagitong pulis na may ranggong Patrolman dito sa District II ng Tondo na hindi lang maangas magsalita kundi may halo pang pananakot sa mga nahuhuli nila sa mga lumalabag sa ordinansa.

Kilalang-kilala ng mga taga Manila Police District (MPD) Station 2 ang ugali nitong bagitong pulis sa pagiging maangas, hindi lamang sa kilos, kundi sa pananalita at kawalan ng respeto sa mga nasisita.

Malinaw naman ang nakasaad sa kanilang “Bibliya” hinggil sa wastong pagsita sa mga ordinaryong mamamayan kung saan nakasaad ang ganito: DURING CITIZEN CONTACTS, ALL POLICE PERSONNEL MUST EXHIBIT PROFESSIONALISM, COURTESY, AND RESPECT FOR THE RIGHTS AND DIGNITY OF ALL PERSONS.

Para kay Mamang Patrolman , ganito ang ibig sabihin niyan. Habang nakikipag-ugnayan sa isang mamamayan, ang lahat ng mga tauhan ng pulisya ay dapat magpakita ng propesyonalismo, kabutihang loob at respeto sa karapatan at dignidad ng lahat ng mamamayan.

Ang kaso, mukhang kabaligtaran ang inaasal nitong si Pat. Hernandez sa mga nahuhuli nilang lumalabag sa ordinansa dahil hindi kabutihang loob, propesyonalismo at respeto ang kanyang ipinamamalas kundi pananakot, pagiging maangas, panduduro at paninigaw na layunin marahil na ipakita ang kanyang hawak na kapangyarihan bilang pulis.

Kung makakarating lang sa kaalaman nina NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas at MPD Director P. Brig Gen. Rolando Miranda ang ugali ng isa nilang pulis na nakatalaga sa detachment na sakop ng MPD Station 2, baka maisipan ng mga opisyal na italaga muna si Mamang Patrolman sa NCRPO Personnel Holding and Accounting Unit upang magkaroon siya ng sapat na panahon para basahin at intindihin ang nilalaman ng PNP Guide Book.

Pinoy sa Australia humihingi ng ayuda sa Pangulo

Pitong taon na palang dumaranas ng labis na pagdurusa at pangungulila ang isang Pilipinong ama sa bansang Australia na patuloy na nakikipaglaban sa kostodiya ng kanyang dalawang menor-de-edad na anak na aniya ay puwersahang kinuha sa loob ng kanyang bahay ng mga social workers ng Department of Children Services (DoCs) at tauhan ng Family Community Services and Justice (FCSaJ).

Dahil dito, humingi na ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte at Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin si Inocencio “Coy” Garcia, 25 na nakatira sa Kurama Cresent Whalan sa Sydney Australia bunga ng kawalan ng pag-asang mabawi pa ang mga anak na sina Jennifer, na noon ay mahigit 3-taong gulang pa lamang at James na dalawa at kalahating taon.

Nag-ugat ang kalbaryo ni Garcia nang humingi siya ng tulong sa mga social workers noong huling bahagi ng taong 2014 hinggil sa nangyaring pang-aabuso sa kanyang asawa noong 14-anyos pa lamang ang ginang sa kamay mismo ng kanyang tiyuhin. Nakatira noon ang kanyang naging asawa sa bahay ng ina na katabi lamang ng kanyang tirahan ngayon.

Gayunman, sa halip umanong tulungan siya, inakusahan siya ng mga social workers na nagpapabaya sa kanyang mga bata pang anak kaya’t noong Setyember 23, 2014, habang siya ay nasa trabaho, puwersahang kinuha ng mga tauhan ng DoCS-FCSaJ na may tanggapan sa Mount Druitt, City of Blackdown, sa Greater Sydney Metropolitan area sa New South Wales ang mga bata sa loob ng kanyang bahay.

Inakusahan umano ng acting manager ng DoCs na si Kayleigh Wotherspoon si Garcia ng child abuse at malnutrition matapos siyang maghain ng kaso, pati na ang paghahabol na maibalik sa kanyang pangangalaga ang mga anak.

Lahat aniya ng pruweba ay inilatag niya sa korte upang patunayan na isa siyang mabuting ama, pati na ang pagbili niya ng kotseng BMW para sa panganay na anak na babae upang pasubalian ang akusasyon laban sa kanya.

Sinibak siya sa trabaho na kanyang pinaglingkuran ng 10-taon at hindi rin ibinigay ang benepisyong nararapat sa kanya. Pati aniya ng naipundar niyang dalawang lote ay naibenta na niya upang tustusan ang napakahabang pakikipaglaban niya sa korte para sa kostudiya ng kanyang mga anak.

Umaasa si Garcia na sa oras na makarating sa kaalaman ng Pangulong Duterte at Secretary Locsin ang kanyang dinaranas, tutugon ang mga ito upang siya ay matulungan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight