PNP hindi kayang “patinuin” ni Gamboa?

October 28, 2019

MATAPOS maupo bilang ‘Officer-In-Charge’ ng PNP noong Oktubre 14, kasabay sa pagbibitiw ni Chief PNP Oscar Albayalde, “binantayan” siyempre ng publiko ang mga magiging galaw at desisyon ni P/Lt. General Archie Gamboa bilang “lider” ng ating pang bansang pulisya.

At dapat lang naman dahil nga dumadaan sa ngayon ang PNP sa matinding pagsubok dahil sa isyu na rin ng mga ‘Ninja Cops’ at ang kanilang sistema ng “pagdisiplina” sa mga tiwali at mga kriminal na elemento kung saan nakita natin ang patuloy na pangingibabaw ng sistemang “bata-bata,” “sila-sila” at “kami-kami.”

At hindi naman nadismaya ang madlang pipol sa kanilang inaasahan na walang naging pagbabago sa “kalakaran” sa PNP kung saan ‘favoritism’ at “palakasan” pa rin ang alam na sistema ni Gen. Gamboa— kasehodang “binoldyak” pa silang lahat ni PDU30 sa kanilang ginawang pagpupulong sa Palasyo higit isang linggo na ngayon ang nakaraan. Na mistulang “tengang-kawali” si Gen. Gamboa kay PDU30 ay makikita natin sa kanyang ginawang ‘major reshuffle’ sa mahahalagang posisyon sa PNP noong isang linggo kung saan mga ‘mistah’ pa rin nila ni Albayalde at Sen. Bato dela Rosa sa PMA Class 1986 ang “nabiyayaan” at kung hindi man, ay ang grupo ng mga opisyal na mga miyembro ng tinatawag na ‘Davao Group’ sa loob ng PNP.

Malaking palaisipan din sa mga miron ang ginawang “pagsambot” sa isang ‘Ninja Cop’ ni Gamboa at ang “pagdiin” naman niya kay Albayalde!

Ang tinutukoy natin dito mga kabayan ay ang ginawang desisyon ni Gamboa na huwag alisin sa serbisyo itong si P/Lt. Joven de Guzman Jr., at sa halip ay patawan na lang ng ’59-day suspension.’

Samantala, inaprubahan naman ni Gamboa ang pagsasampa ng kasong korapsyon at pagkasangkot sa iligal na droga ng CIDG laban kay Albayalde, hinggil sa isyu ng ’13 Ninja Cops’ na pawang mga tauhan ni Albayalde noong siya pa ang “PD” (provincial director) ng Pampanga Provincial Police Office (PPPO) noong 2013.

Si de Guzman, dear readers, ay isa sa mga 13 Ninja Cops na sinasabing “sinambot” lahat noon ni Albayalde para lang hindi matanggal sa serbisyo.

Si de Guzman at ang tatlo pa niyang kasamahan sa grupo ay nalipat sa Rizal PPO nang maging Chief PNP si Albayalde. Take note: ‘mistah’ rin nila, si P/BGen. Edward Carranza, ang “RD” (regional director) ng Calabarzon PNP at may hurisdikyon sa  Rizal PPO, nang malipat sa RPPO ang mga nasabing Ninja Cops.

Sa isang insidente nitong buwan ng Mayo sa Antipolo City, ay muling sumabit sa eskandalo ang grupo nitong si De Guzman kung saan mistulang “pinagnakawan” nila ang kanilang biktima na isinabit din ng grupo sa transaksyon sa iligal na droga.

Sa mga ulat, inirekomenda ng PNP-IAS (Internal Affairs Service) kay Gamboa ang (muling) pagsibak sa serbisyo dito kina de Guzman, P/MSgt. Donald Roque, Rommel Vital, at, Cpl. Romeo Encarnacion Guerrero Jr.

‘Yun nga lang, sa anunsiyo ni Gamboa noong Oktubre 21, isang linggo matapos siyang maging “bosing” ng PNP, “lusot” (na naman) sa ‘dismissal from the service’ itong si de Guzman habang “tsugi” na sa serbisyo ang kanyang tatlong tauhan.

Sa ‘press conference’ ding ito binanggit ni Gamboa ang pagsasampa ng CIDG ng kaso laban kay Albayalde.

Ang “tamang-hinala” tuloy ng mga miron, mistulang ginawang “pantapal” ni Gamboa ang pagsasampa ng kaso sa kanyang mistah para lang “hindi mapansin” ang kanyang “pag-absuwelto” dito kay De Guzman. Ganun nga kaya ‘yun, dear readers?

Kasama naman sa desisyon (o rekomendasyon) ni Gamboa na nagpawala ng bilib sa kanya ng publiko ay ang pagkapuwesto ni P/BGen. Debold Sinas bilang bagong NCRPO director.

Hindi na natin idedetalye pa ang mga ginawang “pagkakalat” ni Sinas bagaman nga ikalawang linggo pa lang niya dito sa NCR.

Sapat nang sabihin na naniniwala tayong wala siyang balak na “disiplinahin” itong kanyang “bata” o irekomenda na palitan na lang.

Sa narinig kasi nating ulat, ang balak lang ni Gamboa ay “kausapin” at “payuhan” si Sinas na huwag padala-dalos sa desisyon (partikular ang bruskong pakikitungo sa media) dahil “malaki” (daw) ang kanyang “respeto” sa liderato ni Sinas. Ganun ba? Eh… di, wow, hehehe!

At para sa mas malaking bilang ng Pinoy na suportado ang ‘War on Drugs’ ni PDU30, nakababahala ang tinuran nitong si Gamboa at Sinas na ang konsentrasyon na ngayon ng PNP ay ang mga “HVT” (High-Value Target) o yung mga ‘drug lords.’
Sa unang tingin, maganda ang intensyon nina Gamboa at Sinas, hindi ba mga kabayan?

Subalit kung “lalaliman” ang “pagbasa” at “implikasyon” nito, nangangahulugan lang na mas lulubha pa ang problema sa iligal na droga dahil ang mga street-level pushers (na karamihan ay mga “bata” rin ng mga korap na pulis) ay mamamayagpag sa kanilang operasyon.

Ayon pa nga sa iba, “signal” lang din ito sa mga drug lords at sindikato ng iligal na droga na “protektado” ng mga Ninja Cops na ang kanilang mga “kalaban sa negosyo” ang ‘target’ ngayon ng PNP, yeheyy!

‘High-value target’ ba, dear readers? Eh, sino bang HVT na ang nasakote ng PNP aber?  

Tandaan natin na ‘yung nangyari sa Pampanga noong 2013, HVT ang suspek dun, hindi ba? Eh, anong nangyari? Pinagkaperahan lang ng mga pulis, aguy,aguy,aguy!
Abangan!