Poe kabado sa ‘Chinese invasion’

December 06, 2018

ABURIDO si Sen. Grace Poe sa pagdagsa ng mga hindi dokumentadong Intsik o sinasabing ‘Chinese Invasion’ dahil kumakayod  pala ang mga ito sa ating bansa at naaagawan ng trabaho ang mga Pinoy.

Say ng senadora, hindi dapat nagpalusot ang nasabing dayuhan -- nagkukunwari bilang turista pero magtatrabaho.  Napulaan tuloy ni Grace ang Department of Labor and Employment (DoLE) at Bureau of Immigration (BI). Dapat naghigpit daw ang dalawang ahensiya sa  visa issuance.

Bistado rin ni Poe na  ilang Intsik ang gumagamit ng iligal na pasaporte ng Pilipinas para lamang makapagtrabaho sa bansa. “Ayaw kong mga Pilipino ang nawawalan ng trabaho at kailangang mangibang bansa pa,” ani Poe.

Pero depensa ni Atty. Homer Arellano, pinuno ng prosecution and legal assistance section ng BI, konti lang naman daw ang mga nahuling Chinese national na may illegal Philippine passport. Sumalag din ang  DoLE. Konti lang daw ang mga Chinese citizen sa bansa na turista na nakakakuha ng special working permit para makapagtrabaho.

Sa kabilang dako, bokya naman ang talaan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) sa dami ng Chinese nationals na nasa online gaming. Ito ay  kahit pa karamihan sa mga inisyung special working permit ay para sa mga Chinese national na nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operations.

Sa kabuuang 1.66 milyong tourist visas na inisyu ng Department of Foreign Affairs (DFA), 18 lamang na employment visa para sa Chinese nationals ang naiproseso.

Dahil dito, target ni Poe ang isang masusing imbestigasyon sa BI, DoLE, Pagcor at DFA. Balak din niyang kutkutin ang mga lugar kung saan nagtatrabaho ang mga sinasabing Intsik para masiguro na meron silang kaukulang dokumento.

Umabot kasi kay Poe ang ulat na mga Chinese national ang magsisilbing construction workers at contractors sa rehabilitasyon ng Marawi. Aba e, dapat aniyang mauna munang makinabang ang mga Noypit.

Kaya hirit ni Poe sa mga kaukulang ahensya -- higpitan ang mga panuntunan sa pag isyu ng tourist at work visas para sa mga banyaga. Magiging mapanganib aniya kung tuluyang nakasalalay ang ekonomiya ng bansa sa mga dayuhang Intsik. Isa pa, dapat din daw makipag-ugnayan ang Pilipinas sa gobyerno ng China para masigurong walang criminal record ang sinumang papasok sa bansa.

* * *

For comment, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com