POGO industry banta sa ekonomiya ng Pinas

HINDI lamang banta sa seguridad ng bansa ang dala ng mga Intsik sa Philippine Online Gaming Operations kundi banta na rin sa ating ekonomiya.

Bagamat nagbibigay ng bilyun-bilyong kita ang POGO industry sa Pilipinas, naniniwala ang mga eksperto na posible itong biglang mawala kapag ninais ng Tsina.

Pwede daw kasing pauwiin ng Tsina ang libu-libo nilang mamamayan na nagpapatakbo ng ating POGO at iatras ng mga Chinese investors ang kanilang mga investment sa industriya kung gugustuhin nila.

At ‘pag nagkataon, bagsak ang ating ekonomiya na sinasabing malaki ang pakinabang sa POGO na tanging ang mga dayuhang Intsik lamang ang bumubuhay.

Unang-unang tatamaan ay ang real estate industry ng Pilipinas na kasalukuyang tumatamasa ng pag-unlad dahil sa dami ng Chinese POGO workers na nangangailangan ng matutuluyan sa bansa.

Tumaas ang mga upa sa condominium dahil sa mga nagkalat na Instik sa iba’t-ibang dako ng Metro Manila. Sila rin ang dahilan kung bakit mas dumarami pa ang mga ipinapatayong mga condominium na nagkalat na parang kabute.

Sa dami ng mga condominium na ipinapagawa, hindi nawawalan ng trabaho ang mga kababayan natin na construction worker. Ang huli nating balita ay nagkukulang na nga ang mga developer sa mga construction worker sa dami ng mga bagong proyekto na karamihan ay residential condominium.

Tinatayang nasa kalahating milyon na ang mga dayuhang Intsik na nagtatrabaho sa POGO industry sa ating bansa. Ang lahat ng mga ito ay bumibili ng mga produkto na gawa ng mga negosyo—kuryente, tubig, pagkain— sa Pilipinas na pihadong tumaas ang mga benta dahil sa mga nasabing Intsik.

Dalawa sa mga mahalagang ahensiya ng bansa—ang Philippine Gaming Corporation at Philippine Economic Zone Authority—ay umaming kumikita ng malaki dahil sa POGO kaya todo suporta sila sa industriyag ito.

Sa katunayan, pinaaalalayan ng Pagcor ang pagbabantay sa mga Chinese POGO workers para hindi naman daw magtampo ang mga ito. Nanghihinayang kasi ang Pagcor sa mawawalang kita mula sa POGO kapag umatras ang mga Instik na mangagawa at namumuhunan.

At hindi malayo na mangyari ang kinatatakutan ng Pagcor. Ngayong alam na ng Tsina ang halaga ng POGO sa ating bansa, maaari nila itong gawing paraan upang paikutin muli ang ating mga tumbong.

**

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com