Political will ni Duterte: Ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon

January 02, 2019

SA kauna-unahang pagkakataon, naitala ng Department of Health (DoH) ang pinakamaliit na bilang ng mga nasugatan sa paputok kaugnay ng pagsalubong sa bagong taon.

Ayon kay DoH Secretary Francisco Duque, hanggang alas-6 ng umaga ng Enero 1, 2019, mula December 21, 2018, 139 lamang sa lahat ng hospital sa buong Pilipinas ang naitala nilang nasugatan dahil sa paputok.

Ito’y mas mababa ng anim na pu’t walong porsiyento (68%) sa 428 na bilang ng mga nasugatan noong nakaraaang taon, simula December 21, 2017 hanggang Enero 1, 2018.

Ayon kay Sec. Duque ang malaking dahilan sa pagbaba sa bilang ng mga nasugatan sa pagpapaputok kaugnay ng pagsalubong sa bagong taon ay ang pag-ulan noong mismong pagsapit ng bagong taon at ang Executive Order No. 28 ni Pangulong Duterte na ipinagbawal ang personal na pagpapaputok at ang paggamit nito sa mga lansangan.

Wala rin namatay sa tama ng bala ng baril kaugnay ng selebrasyon.

Matatandaan na nang kumakandidato si Mayor Duterte sa pagka-pangulo noong 2016, ang isa sa mga hinangaan niyang katangian sa pagpapatupad ng disiplina sa kanilang mga mamamayan ay ang pagbawal sa pagpapatupok sa kanilang lungsod sa Davao sa pagsalubong sa bagong taon.

Ang ginawang ehemplo ng mayor at kanyang pamilya ay paggamit lamang ng torotot sa pagsalubong sa bagong taon.

Sa simula ay maraming hindi naniwala na kayang gawin ni Pangulong Duterte ang pagbawal sa pagpapaputok sa bagong taon sa buong Pilipinas, lalo na sa Metro Manila, na nakasanayan at naging kaugalian ng mga Pinoy na salubungin ang bagong taon ng buong ingay at paggamit ng malalakas na mga paputok, gaya ng mga tinatawag na Super LoLo, Plapla at Goodbye Philippines, ilan lang sa malalakas at delikadong paputok na madalas ginagamit ng mga Pilipino sa pagsalubong sa New Year, hindi lang sa Metro Manila, subali’t sa buong Pilipinas.

Subali’t noong June 20, 2017, upang maiwasan ang paglaki ng bilang ng mga nasusugatan sa pagpapatutok ng fireworks, kaugnay sa pagsalubong sa bagong taon, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang nasabing Executive Order No. 28 at dahil dito’y bumaba nga ang bilang ng mga nasugatan sa pagpapaputok sa pagsalubong sa bagong taon.

Ang pinayagan lang sa ilalim ng Executive Order ay ang pagpapaputok sa mga itinalagang lugar sa mga barangay kung saan maaaring magpaputok.

Masasabing ang pagbaba ng bilang ng mga nasugatan kaugnay ng pagsalubong natin sa 2019 dahil sa Executive Order No. 28 ni Pangulong Duterte ay malinaw na manipestasyon ng kanyang “political will.”

Patunay na ang mga hindi maganda, nakakasugat at nakamamatay na kaugalian ng ating mga kababayaan ay maaaring mabago at mawala, kung ang namumuno sa atin ay may “political will” na baguhin at walain ito, tulad ng ehemplo ni Tatay Digong na tunay na nag-aalala sa kaligtasan ng ating mga mamamayan, lalo ng mga kabataan, na madalas na napuputulan ng mga daliri o kamay o namamatay, sa maingay at delikadong pagsalubong sa bagong taon.

Kaugnay nito, mabuti ring banggatin na dahil kay Pangulong Duterte, na ipagbawal na rin ang pagsisigarilyo sa mga restaurant at inuman sa mga publikong lugar at dahil dito’y napapangalagaan ang kalusugan ng ating mga mamamayan.

Mga simpleng bagay lang ang mga nabanggit, ang pagbawal sa pagpapaputok sa pagsalubong sa bagong taon at pagbawal sa paninigargirlyo sa mga restaurant at publikong lugar, subali’t kapwa patunay ng “political will” ng ating Pangulo na baguhin ang mga mali at kamalian sa ating lupinan.

Sana’y marami pang mabubuting bagay at pagbabago ang mangyari sa ating lipunan bunga ng “political will” ng ating Pangulo.