Port congestion, malamang magpataas sa presyo ng bilihin

March 13, 2019

PATULOY pa rin ang mga reklamong tinatanggap natin kaugnay ng port congestion sa dalawang pinakamalaking pantalan  sa Maynila. Panahon na siguro para magkaroon ng “summit” upang pag-usapan ang nangyayaring  “congestion” sa Manila International Container Port at Port of Manila.

Kailangang mabigyan na ng solusyon ang “port congestion” sa Aduana.

Lahat ng waterfront stakeholders ay dapat dumalo sa nasabing summit.

Hindi biro ang dulot na perhuwisyo ng pagsisikip ng mga kargamento sa pantalan.

Pahirap ito sa mga importer, broker, trucker at iba pang sektor.

Ang masakit dito, malamang na maging sanhi pa ito ng pagtaas ng presyo ng imported goods.

Pati na ng mga produktong gawa sa bansa na hinahaluan ng mga imported na sangkap.

Mapipilitan ang mga importer na itaas ang singil ng kanilang mga paninda dahil malaki ang gastos nila kapag naaantala ang paglabas ng kanilang mga kargamento sa pantalan.

Ang kawawa dito ay ang mga mamimili.

Kagaya ng traffic congestion, ang port congestion ay pahirap din sa taumbayan.

Pero hindi kagaya ng pagsisikip ng trapiko, na kung saan ay napi-perhuwisyo ang lahat, sa pagsisikip ng mga pantalan, mukhang ang kumikita lang dito ay ang PPA, arrastre operator at shipping lines.

Samantalang, nagdurusa ang mga kawawang importer, broker at trucker.

Sana bigyan pansin ito ng ating mga mambabatas.

* * *

Nakalulungkot ang balita na sa taong ito ay magiging “world’s 2nd largest rice importer” ang Pilipinas.

Ito ay ayon sa report ng United States Department of Agriculture-Foreign Agricultural Service (USDA-FAS).

Tayo ay papangalawa sa China.

Dahil sa pagdagsa ng imported na bigas sa merkado, inaasahang bababa ang presyo ng pangunahing pagkain ng mga Pinoy.

Ito ay sa mga unang buwan ng implementasyon ng Republic Act 11203 o Rice Import Liberalization Law.

Paano kung dumating ang araw na magkaisa ang mga importer ng bigas?

Kayang-kaya nilang idikta ang presyo ng bigas dahil maraming rice farmer ang siguradong mag-iiba ng pananim.

Hindi malayong mangyari ito dahil nandiyan pa rin ang mga ganid at walang pusong negosyante.

Walang dudang kikita ang gobyerno sa implementasyon ng Rice Tariffication Law.

Okay lang yan pero dapat maprotektahan naman ang mga magsasaka at konsumer.

Sana ngayon pa lang ay pag-aralan na ng gobyerno ang mga tamang hakbang hanggat maaaga.

Tama ba kami Agriculture Secretary Manny Piñol?

* * *

Meron pa palang syudad at bayan sa bansa ang walang trak ng bumbero.

Nakakalungkot naman ang balitang ito na galing mismo sa Bureau of Fire Protection.

Karamihan sa 332 syudad at bayan na walang fire truck ay nasa  Mindanao.

Pero lahat ng 16 cities at isang bayan na bumubuo ng National Capital Region ay may mga trak ng bumbero.

Ang mga lugar na walang fire trucks ay walang sapat na pondo para bumili ng sariling sasakyang pamatay sunog.

Hindi sinabi sa report kung merong mga fire truck na pag-aari ng pribadong sektor.

Marami kasing fire volunteer groups ang may mga sariling fire truck.

Kung wala, talagang nakakaawa ang mga residente kapag nagkasunog sa kanilang lugar.

Mahirap umasa sa mga kalapit na syudad o bayan.

Ano kaya ang masasabi ng  mga kumakandidato sa mga lugar na walang fire truck?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa

#0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)