Port congestion, pahirap sa truckers, brokers, importers

March 10, 2019

INAASAHANG mapapabilis na ang trade transaction sa dalawang major collection districts sa Manila.

Ito ang Port of Manila (PoM) at Manila International Container Port (MICP).

Sa utos ni Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero ay umaaksiyon na ang kanyang mga opisyal para mabigyang solusyon ang port congestion sa PoM at MICP.

Matagal na kasing sakit ng ulo ng mga importer at broker ang port congestion.

Ang sanhi ng pagsisikip sa PoM at MICP ay dahil sa mga nakaimbak na “empty container vans.”

Ayon sa report, makikipagtulungan na ang mga shipping line upang matanggal ang kanilang mga empty container sa nasabing mga puwerto.

Sa totoo lang, hindi naman dapat iniimbak ng mga shipping line ang kanilang empty containers sa loob ng mga pantalan kung hindi ito pinayagan ng Philippine Ports Authority.

Marami ngang nagtataka bakit hinayaan ang mga shipping line na gawing bodega ng kanilang empty containers ang loob ng pantalan.

Noong araw may mga outside container yard (CY) ang mga shipping lines.

Ayon kay MICP District Collector Dino Austria, linggo-linggo ay 17,500 empty container vans ang aalisin sa PoM at MICP.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay nagkaroon ng “holiday” o strike ang mga trucker at broker.

Ayon sa mga nag-welga, nalulugi sila ng malaki dahil sa port congestion.

Hindi lang ‘yan, maging ang mga importer at broker ay lumalaki ang binabayaran sa mga shipping line at arrastre dahil sa port congestion. Kung dati, halos 20k bawat 20-footer container van lang inaabot ang gastos, ngayon ay inaabot na ng 40k/cntr.

Mabuti naman at umaaksiyon na ang mga otoridad para  matigil na ang pagsisikip sa mga pantalan.

Maawa naman tayo sa mga importer at broker na ang tanging gusto ay kumita ng kaunti.

Kung minsan nga, kaysa kumita ay abonado pa sila dahil sa delay sa paglalabas ng kanilang mga kargamento.

Ang lalong kawawa ay ang mga small-time na importer at broker.

Nawawalan pa sila ng kliyente dahil sa port congestion.

* * *

Parating na naman ang “graduation time” sa bansa.

Sa hirap ng buhay, maraming magulang ang umaaray sa malaking “graduation fee” na kailangan ng kanilang mga  magtatapos na anak.

Bawal ang mangolekta ng “graduation fee” sa mga pampublikong paaralan.

Pero pinapayagang mangolekta ng graduation fee kapag ito ang napagkasunduan ng mga magulang at paaralan.

Ito ang laging palusot ng ilang paaralan.

Kaya dapat alisin na rin ng gobyerno ang palusot na ito dahil hirap ang maraming magulang.

Basta iutos na lang ng gobyerno na walang kokolektahing graduation fee.

Maawa naman tayo sa mga magulang na walang-wala.

* * *

Napapanahon ang proyekto na magkaroon ng cleanliness drive sa buong bansa.

Dahil El Niño, madaling maglinis ngayon sa mga daluyan ng tubig at iba pang pinamumugaran ng mga daga, ipis at lamok.

Isa pa, dapat maalis ang mga basura na bumabara sa mga daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbaha sa ating komunidad.

Huwag natin hintayin ang tag-ulan para maglinis sa kapaligiran.

Mas madaling maglinis ngayon dahil tuyo o kakaunti ang tubig sa daluyan ng tubig.

Alisin na natin ang mga pinamumugaran ng mga daga, lamok at ipis.

Huwag haluan ng pulitika ang “cleanliness drive.”

Dapat unahin ng mga politiko ang paglilinis sa kapaligiran at hindi ang pangangampanya.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)