Preventive, punitive, at restorative approach para linisin ang kapulisan

November 26, 2018

ANG unang-unang bilin ni DILG Secretary Año kay PNP Director-General Oscar Albayalde noong naupo ito sa pwesto ay ang linisin ang PNP sa mga  “disgrace to their uniform” o yung mga scalawags.

Kung maaalala, bago maging kalihim ng DILG si Secretary Año ay naging Chief of Staff muna ito ng Armed Forces of the Philippines. Kaya’t sigurado ako na sa paghawak niya sa tropa, alam niya na merong matitino at meron ding mga pasaway.

At sa kahit na anung organisasyon, mahalagang dapat ay laging panatilihing mataas ang morale ng mga tapat sa kanilang trabaho. Kaya naiintindihan ko ang naging posisyon ng DILG at PNP sa mga nagdaang episodes ng Ang Probinsyano.

Marahil ay sinasalamin lamang ng TV show na ito ang gawain ng iilang pulis sa tunay na buhay. Pero paano na lamang ang mga pulis na ginagawa nang tama ang kanilang tungkulin?

Hindi perpekto ang kapulisan gaya ng lahat ng mga organisasyon. Napapanood at nababasa natin sa balita ang iba’t ibang isyu at krimen na kinasasangkutan ng ilang pulis. At  marahil para sa marami, lalo na sa mga pulis at kanilang mga kamag-anak, ang Ang Probinsyano na lang ang pinaghuhugutan nila ng entertainment at inspirasyon para sa kanilang trabaho.

Kaya’t nung nakarating na sa mga opisyal ng DILG at PNP na nagiging sanhi ng demoralization ang programa, kinailangan na nilang tumindig para sa kanilang tropa.

Bukod sa war on drugs, pansin naman natin ang war on scalawags na pinangungunahan nina Sec. Año at PNP Chief Albayalde. Sa katunayan, ayon sa isang report, 520 na pulis personnel na ang inalis sa pwesto dahil PNP mismo ang nagsampa ng kaso laban sa kanila.

Para maging mas malaliman ang ‘internal cleansing’ sa PNP, suhestyon ko na magkaroon ng mga programa na preventive, punitive, at restorative.

Punitive ang pagpapataw ng karampatang parusa sa mga pulis na nagkasala. Ang restorative naman ay ang pagbibigay ng second chance sa mga nagkamaling pulis kung hindi naman malala ang nagawa nilang pagkakamali. Pwede silang bigyan ng counseling para hindi na ulit gawin ang pagkakamali nila.

Pinakamahalaga rito ang preventive. Dapat ay aplikante o kadete pa lang ang pulis ay  itinatanim na sa kanyang isip ang pagiging tapat sa serbisyo. Mabuti na lang at pinirmahan na ni Pangulong Duterte ang isinulat kong batas para mas higpitan ang propesyon ng criminology.

Sa bisa ng RA 11131 o ang Philippine Criminology Profession Act of 2018, bubuuin ang professional regulation board for criminologists para mas higpitan ang pagiging criminologist.

Ang mga papasa sa criminology licensure exam ay bibigyan din ng prayoridad sa pagpasok sa PNP, BJMP, BFP, LTO, NBI at iba pang law enforcement agencies.

Magkakaroon din ng continuing professional development para manatiling updated ang mga licensed criminologists sa mga bagong polisiya sa kanilang propesyon.

Mahirap maging pulis. Hindi lang mga kriminal ang sinasagupa ng mga ito. Pati sa community service sila rin ang inaasahan natin. Sa Malabon City nga, malaki ang ginagampanang papel ng Malabon PNP para masigurong maayos ang Senior Citizen Social Pension Payout at 4Ps ATM Card distribution.

Saksi kami ni Vice Mayor Jeannie Sandoval sa sipag at dedikasyon ng mga pulis. Kaya anumang suporta ang kaya nating ibigay sa PNP, bilang mga lingkod bayan at mamamayan, ay dapat nating ibigay sa kanila.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon