Privatization ng Bureau of Customs, pag-aralang mabuti

November 11, 2018

MAINIT na isyu ngayon ang proposal ni Senate President Tito Sotto na i-privatize ang Bureau of Customs.

Pinalutang ni Sotto ang panukala dahil sa patuloy na korapsyon sa nasabing ahensiya.

At tama naman ang reaksyon ng Malakanyang  na kailangang pag-aralang mabuti ang panukala ni Senate President Sotto.

Sa isang kalatas, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na timbanging mabuti ang “pros and cons” ng proposal.

“Well, Senator Sotto thinks it’s a good idea...let’s see the pros and cons of that idea,” sabi ni Panelo.

Sinabi naman ni Senador Francis Pangilinan na ang panukala “is worth considering but still needs to be studied further.”

Ayon naman kay Senador Sonny Angara, puwedeng isa-pribado ang ilang trabaho ng BoC na “prone to corruption.”

Hindi naman pabor sa proposal si Senador Ralph Recto, na isang ekonomista.

Para sa atin,  dapat talagang pag-aralang mabuti ang pagsasapribado ng BoC.

Mahirap iasa sa pribadong grupo ang pangongolekta ng buwis at taripa.

Baka lalo lang lumala ang korapsyon kung hindi taga-gobyerno ang gagawa ng trabahong ito.

Ang kailangan lang ay political will ng mga taong mamamahala sa Aduana.

Isa pa, hindi naman lahat ng taga-BoC ay korap. Iilan na lang ang mga ayaw tumigil dahil na rin sa sinasabing malalakas na “backer” nila.

Sa totoo lang, hanggang sa pagkatanggal kay Lapeña, me mga gumagamit pa rin ng pangalan ng “Davao Group.”

Pati nga balae ni Pangulong Duterte ginagamit ng isang talamak na ismagler dyan sa bakuran ng BoC.

Ilang beses na ngang sinabi nina dating Davao Vice Mayor Polong Duterte at bayaw nitong si Mans Carpio na wala silang alam at hindi nila papahintulutan ang ismagling. Pero ayon sa ating miron,  kaladkad pa rin ang pangalan ng mag-bayaw.

Ito ang dapat hulihin at ipakulong ni Commissioner Jagger, kung ayaw niyang magaya kina Faeldon at Lapeña

* * *

Malaking sakit sa ulo ng gobyerno at taumbayan ang ismagling ng iligal na droga.

Ang mabigat pa, may mga tiwaling lingkod-bayan na nakikipagsabwatan sa mga ismagler ng droga.

Ito ang dahilan kung bakit bumabaha pa rin sa bansa ang shabu at iba pang ipinagbabawal na droga.

Napipilitang  magparating ng imported drugs ang mga sindikato dahil nalansag na ng mga otoridad ang mga shabu laboratory sa bansa.

Hindi nakaporma ang mga dayuhang nasa likod ng mga laboratoryong ito.

Napilitang lumayas sa bansa ang mga foreign chemist.

Ang iba naman ay naghihimas na ng malamig na bakal sa kulungan.

Mabuti naman at nagkasundo ang Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency na lalong paigtingin ang kampanya laban sa drug smuggling.

Ito ay nakapaloob sa isang kasunduang pinirmahan nina BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero at PDEA Head Aaron Aquino.

Matatandaan na ang bangayan nina dating BoC Commissioner Isidro Lapeña at Aquino ang naging mitsa sa pagkakaalis ng una sa Aduana.

Dahil sa mga kontrobersyal na magnetic lifter, nagkaroon ng word war sina Lapeña at Aquino, parehong retiradong heneral ng pulis.

Si Guerrero naman na kapalit ni Lapeña ay isang retiradong military general.

Kailangang magtagumpay sina Guerrero at Aquino sa kanilang misyon para tuluyan ng matigil ang drug smuggling sa bansa.

* * *

Hindi dapat payagang mamayagpag ang mga kandidatong mamimili ng boto sa darating na eleksyon.

Hindi mawawala ang korapsyon at katiwalian kapag may mga kandidatong mananalo dahil sa pamimili ng boto.

Gagawa at gagawa ng kalokohan kapag nasa puwesto dahil kailangang mabawi ang ipinambili ng boto.

Ang problema lang, napipilitang tumanggap ng pera ang maraming botante dahil sa kahirapan.

Ibig sabihin nito ay kailangan ding i-address ng gobyerno ang poverty problem.

Ito’y isang long-term solution sa vote-buying.

Ang short-term solution sa problema ay paghuli at pagkulong sa mga mamimili ng boto.

Magpakalat ng undercover agents ang Commission On Elections at Philippine National Police para hulihin ang mga vote-buyer.

Kung nagagawa ito sa mga drug dealer o drug pusher ay puwedeng gawin ito sa mga kandidato.

Kapag  lumaban ang mga kandidato at ang kanilang mga bodyguard ay barilin sila.

Pero sa paa o kamay lang para mabulok sa bilangguan.

Approve ba, Pangulong Duterte?

* * *

Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email/vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)