Proudly Malabon!

November 12, 2018

MARAMI ang nakakita sa video na ipinost ni Vice Mayor Jeannie Sandoval sa kanyang Facebook page kung saan makikita si President Rodrigo Duterte na kumakain ng dessert. Sa video, nagpasalamat ang Presidente sa Betsy’s Cake Center ng Malabon City dahil sa napakasarap na panghimagas.

Kahit sinong taga-Malabon, kilala ang Betsy’s. Pero dahil sa naturang video, marami agad akong nakuhang mga mensahe mula sa mga kabigan na taga-ibang lugar at mga netizens na nagtatanong kung paano mapupuntahan ang Betsy’s. Sino ang mag-aakalang magiging instant endorser ng pinagmamalaking cake shop ng Malabon ang walang iba kung hindi ang Presidente?

Hindi talaga matatawaran ang dedikasyon ni Vice Mayor Jeannie sa paghahanap ng paraan para itampok ang mga gawang Malabon. Nitong nakaraang linggo, nagkaroon ng lokal products expo ang Congressional Spouses Foundation, Inc. o CFSI. Siniguro ni Vice Mayor Jeannie na hindi mapag-iiwanan ang mga gawang Malabon kaya isa tayo sa mga unang nagkaroon ng booth sa Megamall.

Sa Expo na ito, itinampok ang iba’t ibang OTOP o One Town One Product ng mga probinsya pati na ang marami pang gawang Pinoy.

Ngayon nga ay nakikilala na sa maraming bansa ang Bayongciaga o iyong bayong na ginawang mas fashionable. Pero alam niyo ba na sa Barangay Potrero pa mismo nanggagaling ang export-quality na mga bayong na ito?

Na-feature na nga sa isang morning show ang tumatayong punong-abala ng mga kababaihan ng Potrero na si Rachelle Martin dahil sa napakagandang produkto na ito.

Sa tulong ng masipag na magkapatid na sina Kap. Sheryl at Kap. Edward Nolasco, napagtibay ang teamwork ng mga nanay sa Potrero para sama-samang gumawa ng mga bayong. Noong isang taon, nailapit namin ni Vice Mayor Jeannie ang BAYONG CHAMPS sa Department of Labor and Employment upang mabigyan sila ng mga raw materials sa kanilang gawa.

Nitong taon naman, nailapit natin sila sa Department of Science and Technology. Ayon sa mga kinatawan ng DOST, very promising ang produktong ito ng mga taga-Potrero. Kaya naman umuusad na ang pag-aaral nila sa kung papaano, gamit ang research and development, mas mapapaganda ang pagproseso ng kanilang produkto.

Hindi lang source ng livelihood para sa ating mga taga-Malabon ang ganitong mga lokal na produkto. Source din ito ng pride para sa ating lungsod.

Wala namang duda na pagdating sa pancit, Pancit Malabon agad ang nasa isip ng mga Pilipino. Kaya ito ang hamon sa aming mga lingkod bayan ng lungsod -- ano pang mga proudly made in Malabon ang kaya natin ipakilala hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo.

At sa taglay na dedikasyon at creativity ni Vice Mayor Jeannie para i-promote ang Malabon, alam kong madadagdagan pa ang listahan ng mga produktong proudly made in Malabon.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)