Pulitika sa Caloocan, maagang umarangkada

September 11, 2019

NAGSIMULA na palang uminit ang pulitika sa lungsod ng Caloocan kahit pa nga tatlong taon pa ang hihintayin bago ganapin ang halalang pambansa.

Nagkalamat na kasi ang dating maayos at magandang pagtitinginan ng mga magkaka-alyadong pulitiko na pawang nasa huling termino na ng panunungkulan dahil nagkakanya-kanya na raw ng diskarte kung papaano makukuha ang boto ng mga mamamayan sa ina-ambisyong posisyon.

Sabi nga ng antigong pulitiko sa lungsod, hindi raw sana magiging mabigat ang problema kung pumasa ang panukalang batas noon ni dating Congressman Enrico Echiverri na dagdagan ng dalawa pang distrito ang Caloocan upang may patunguhang posisyon ang mga magtatapos sa kani-kanilang termino.

Kabilang kasi sa mga opisyal na nasa huling termino na ng kanilang panunungkulan ay sina Mayor Oca Malapitan, Vice Mayor Maca Asistio at Congressman Egay Erice.

Ngayon pa lang kasi ay nagpaparamdam na si Cong. Erice ng kanyang hangaring pumalit kay Mayor Malapitan lalo na’t mukha raw lumabo ang kanyang hangaring mai-endorso siya ng alkalde. Madalas raw kasing napagkikita si Cong Erice sa District 1 ng lungsod at nagsasagawa ng mga aktibidad sa lugar gayung ang kanyang kinakatawan ay ang ikalawang distrito.

Siyempre hindi magiging maganda ang ganitong hakbang ni Erice sa kampo ni Mayor Malapitan dahil ang anak ng alkalde na si Cong. Along ang kumakatawan sa District 1 at sa tingin nila, mistulang nababastos ang batang kongresista.

Kung tutuusin, talaga namang ganyan ang mga pulitiko, lalo na ang may mahahaba ang pisi o yung ma-datung dahil kailangan talaga ang mahabang preparasyon para tumimo sa utak ng mga botante ang ginagawa nilang “kabutihan” kahit sino pa ang masagasaan.

Sabi pa ng mga miron, bilang resbak daw ng kampo ng alkalde, unti-unti na ring pinapakilala ni Mayor Oca ang anak na si Cong. Along sa mga kapitan ng malalaking barangay sa District 1I at lagi silang magkasama sa lahat ng magagandang proyekto sa lungsod.

Nangangahulugan daw ito na may malaking posibilidad na si Cong. Along ang i-endorso ni Mayor at kapag nangyari ito, tagilid si Cong Erice at iba pang nais sumabak bilang alkalde dahil sa dami ng magagandang proyekto at programang naisakatuparan ni Mayor Oca.

Pero siyempre, hindi rin dapat i-menos ang kakayahan ni Vice Mayor Maca Asistio dahil kahit hindi pa siya nagpaparamdam, hindi maikakaila na malaki pa rin ang impluwensiya ng kanyang pamilya sa lungsod at may sariling balwarte ng mga botante.

Ngayon pa lang, pinag-uusapan na ng mga punong barangay ang posibleng pag-ulan ng datung dahil tiyak na bubuhos ang biyaya kapag malapit na ang pambansang halalan sa taong 2022.
 
OWWA, namahagi ng groserya

Labindalawang Navoteño Overseas Filipino Worker (OFW) families pala ang nakatanggap ng mga grocery para sa sari-sari store na nagkakahalaga ng P10,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamamagitan ng Balik-Pinas, Balik Hanapbuhay Program ng ahensya.

Mismong si Mayor Toby Tiangco at iba pang opisyal ng lungsod ang sumaksi sa isinagawang distribusyon na ipinamahagi ng OWWA bilang tulong pangkabuhayan sa mga pamilyang kabilang sa mga benipisyaryo.

Kumpiyansa si Mayor Tiangco na mapapalago ng mga pamilyang tumanggap ng grocery items mula sa OWWA para sa kanilang negosyong sari-sari store lalo na’t noon pa man ay naglunsad na ang lokal na pamahalaan ng programang tinaguriang NavoNegoSerye na naglalayong turuan ang mga pamilyang nagnanais magtayo ng maliit na negosyo.

Ayon sa alkalde, ang pagiging masikap at masinop ng mga lehitimong Navoteño ang susi sa kanilang tagumpay na mapalago ang maliit na negosyo lalo na’t noon pa man ay nagsagawa na sila ng serye ng seminar sa tulong ng mga eksperto upang matutunan ng mga benipisyaryo kung paano nila mapapalago ang maliit na puhunan sa ilalim ng Navotas Hanapbuhay Center.

Nagpasalamat din si Mayor Tiangco sa OWWA dahil sa pagkilala ng kanilang masisipag na OFWs na nagbalik-bayan matapos ang mahabang panahong pagtatrabaho sa ibang bansa upang magtayo ng kanilang sariling negosyo.

SMC products, ligtas Tiniyak ng San Miguel Foods, ang food division ng San Miguel Food and Beverage, sa publiko na malinis at ligtas sa African Swine Fever (ASF) ang kanilang mga produkto tulad ng Purefoods at Monterey.

Istrikto anila sila sa mga animal health and bio-security protocols bukod sa pagtiyak na may permit sila mula sa Bureau of Animal Industry at sa National Meat Inspection Service bago ilabas sa publiko ang kanilang produkto.

Bukod dito, gawa mula sa makabagong siyensiya ng mga bantog na kompanyang gumagawa ng butil na pagkain ng baboy ang kanilang ipinapakain sa kanilang mga alagang baboy kaya’t patuloy na makakabili ang publiko ng kanilang mga produktong may mahusay na kalidad.

‘We remain fully committed to the highest standards of quality and food safety expected in all our products.’, pahayag pa ng SMC.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363.