Home>Editorial>Opinion>PUP sa North Caloocan itayo na

PUP sa North Caloocan itayo na

MARAMING mga estudyante mula sa mahihirap na pamilya ang madalas na nagpapakita ng abilidad at diskarte bukod pa sa taglay na karunungan.

Subalit, kadalasan sa mga ito ay napagkakaitan ng oportunidad na makapagpatuloy sa pag-aaral dahil sa kawalan ng public college o university na malapit sa kanilang lugar.

Isa na rito ang North Caloocan na nasa boundary na ng Bulacan at sadyang napakalayo sa ating mga state university.

Bagama’t hindi matatawaran ang aksyon ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Oca Malapitan na nagtaguyod na ng dalawang campus ng University of Caloocan City sa North Caloocan bukod pa sa tech-voc nito at main campus sa South Caloocan, nakita pa rin ang pangangailangan ng isang state university sa lugar.

Kaya naman ating pinapaboran ang panuklang isinusulong ni Senador Sonny Angara para sa pagtatayo ng campus ng Polytechnic University of the Philippines sa Caloocan City-North.

Sa kanyang Senate Bill 2013 o ang proposed PUP-Caloocan City-North Campus Act, sinabi ni Angara na panahon nang solusyunan ang kawalan ng state-sponsored tertiary educational institutions sa Metro Manila North upang mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na makapasok sa state university.

Batay sa 2018 Annual Poverty Statistics sa Caloocan City, lumitaw na 32 sa 1,000 pamilya sa lungsod ang walang sapat na kita para sa kanilang pagkain at iba pang pangangailangan tulad ng damit, bahay, medical care at edukasyon.

Lumitaw din na 49 sa bawat 1,000 indibidwal ang walang kakayahan na masustentuhan ang kanilang pangunahing pangangailangan kasama na ang edukasyon.

Due to extreme poverty and lack of access to education, the Department of Education reported that for every 100 students who begin schooling at Grade 1, only 65 complete elementary school. Of these, only 43 graduate from high school and 23 enter college, but only 12 students will get a degree,” pahayag ni Angara sa kanyang explanatory note.

Sa panukala ni Angara, ang itatayong PUP-Caloocan City-North Campus ay magbibigay ng short-term technical-vocational, undergraduate at graduate courses.

Una na ring inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 5739 o ang proposed PUP-Caloocan City-North Campus Act.

Ang panukala na iniakda nina Representatives Dale ‘Along’ Malapitan, Mark Go at Isidro Ungab ay naglalayong mabigyan ang mga residente ng lungsod ng oportunidad para sa dekalidad subalit abot-kayang edukasyon.

The bill aims not only to address the increasing number of out-of-school children and youth in the region but also operates to fulfill a high constitutional demand,” pahayag ni Malapitan.

It bears mentioning that in Metro Manila North, also known as the CAMANAVA area, there exists not a single state university or college nor a campus thereof which students of this area may access for their tertiary, professional and technical education,” dagdag pa ng kongresista.

Tunay na malaking pagbabago at malaking tulong na para sa education sector ang nagawa ng kasalukuyang administrasyon ng Caloocan sa pagtatayo ng mga campus ng UCC.

Subalit malaking tulong pa rin sa kabataan ng Kankaloo ang PUP-North Caloocan kaya’t umaasa tayo na agad itong maaprubahan, mapopondohan at maitatayo.

Bukod dito, malaking kabawasan sa problema sa trapiko kung mismong mga pamantasan at unibersidad ang inilalapit mismo sa tao at ang katotohanang malaki ring katipiran para sa pasahe at matrikula ng mahihirap na pamilya.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large