Home>Editorial>Opinion>Purgahin ang mga batugan na local executives!

Purgahin ang mga batugan na local executives!

HINDI nga natin pinayagan ang face to face classes, tapos okey sa atin ang papuntahin sa mall ang mga bata?

Nasaan naman ang “sense of common” natin dyan?

Totoong kabuhayan ng bansa ang agenda ng pagpapalabas sa mga seniors at mga batang nasa edad 15 pababa pero huwag din nating kalilimutang habang binubuhay natin ang ekonomiya, naililibing naman natin ang mga mamamayan.

Nakapagtiis na tayo ng eight months quarantine status at paghihigpit sa mga vulnerable sectors, bakit hindi pa natin tiisin hangga’t hindi pa lumalabas ang bakuna laban sa virus?

Kung tutuusin, may mga butas nga ang IATF sa kanilang paghihigpit sa mga kabataan dahil kahit saang intersection ka tumigil, makikita mo ang mga namamalimos na musmos.

Hindi nga natin alam kung infected na ang mga batang ito na itinuturing ng mga medical experts bilang “super spreader” ng virus. Pasintabi sa mga nagbibigay ng limos sa mga musmos, una, delikadong pumasok sa kulob na kotse ang virus na posibleng dala ng mga batang ito sa kalye, pangalawa, sa bawat pera na ibinibigay nyo sa kanila, binubundat nyo lang ang mga batugan nilang magulang!

Nasaan na nga ba ang DSWD sa kanilang kampanya na malinis ang ating mga kalye sa mga street dwellers at mga namamalimos, lalo na sa mga main roads?

Kilos-kilos din kapag may time DSWD at mga local officials!

***

Alam kaya ni DILG Secretary Ed Año na ningas-kugon lang ang pagkilos ng mga local executives sa direktiba niya at ng Palasyo na linisin ang mga kalye laban sa mga obsructions?

Ang problema sa bayang ito, maraming opisyal ang magaling lang sa porma pero walang ibubuga. Kahit saan ka dumaan ngayon na mga main road at alternate routes, parang parking lot ng mga siga.

Kung hindi man nakaparada ang mga pribadong kotse, ginawa nang terminal ng mga tricycle at mga PUJ ang mga tinatawag na Mabuhay Lanes.

Ngayong holiday season, kahit marami pa ang hindi nakakalabas, grabeng traffic na ang dinaranas ng mga motorista sa Metro Manila dahil mistulang walang gobyernong lokal ang kumikilos para tulungan ang national government.

Masyado kayong abala sa pagbibilang ng COVID patients pero pinabayaan nyo naman ang inyong mga nasasakupang walang sakit!

Kaya nga itong paparating na 2022 elections ay dapat maging unang hakbang sa pagpupurga sa mga local officials na inugat na ang likod sa pagkabatugan. Walisin na dapat ng mga botante ang mga alkalde at mga gobernador na puro pambobola lang ang kayang gawin.

Masdan nyo lang ang inyong paligid, kung puro obstructions, anarchy at chaotic ang inyong nakikita, tiyak ito, busy sila mayor sa pagbibilang ng kanilang mga kinita sa pandemic at sunud-sunod na bagyo!

Ang kakapal nyo! allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV