Raffy Ramiro, sikat na mang-aawit sa Canada!

September 29, 2019

PINATUNAYAN ng isang musikerong Pinoy na walang mahirap na pangarap sa taong determinadong abutin ito, gamit ang taglay na angking talent, sipag, tiyaga at gabay ng Poong Dakilang Maylikha!  

Si Rafael ‘Raffy’ Ramiro, tubong Lucena City ng Quezon province, ay isa ngayon sa maituturing na matagumpay na Filipino sa Winnipeg, Canada makaraan ang ilang taong pakikipagsapalaran sa iba’t ibang bansa.

Mas kilala bilang Raffy Swap 1, taong 2013 nang unang itayo ng mang-aawit ang grupong Swap Six Band na naunang nagpakita ng galing at talento sa Vancouver, Canada.

Mula sa katas ng pagsisikap, ang dating Raffy’s Café na itinayo sa Vancouver ay dinala rin niya sa Winnipeg, Canada na nag-iisa ngayong  Filipino music bar sa Ellice Avenue, Winnepeg, Canada.

“Noong 2015-2017 umiikot talaga ako sa buong Canada.  Minsan ang kasama ko si Lolita (Carbon ng bandang Asin), Heber (Bartolome ng Banyuhay ni Heber), Wency (Cornejo ng After Image), ang Introvoys. Umiikot  kami city by city so nakilala ko mga tao dun,” salaysay nito.

Kahit sinong sikat na mang-aawit sa Pilipinas, sa tuwing may ‘gig’ sa Canada, unang nasa listahan nila para maging ‘front act’ sa concert ay si Raffy Ramiro.

Ang Raffy’s  Café bar nito ang madalas ding tugtugan ng mga Filipino musician na gustong mag-jamming. Karamihan sa mga ito ay mga frustrated singer/musician sa Pinas na dahil nag-iba ng linya ng trabaho, libangan na lang nila ang tumugtog sa tuwing may bakanteng oras.

“Sa Winnepeg napakaraming musician, napakaraming magagaling. Kaya lang wala silang ‘place to play.’ So anytime na gusto nilang mag-jam, kinokontak lang nila ako. Ini-isked namin ang performance nila nang libre,” kwento ni Ramiro.

“Ang banda na gustong kumita nagpapa-door kami, entrance fee, sa kanila lahat yun. Drinks lang sa amin yun. Kung kulang pa dinadagdagan pa namin,” dagdag pa ni Raffy.

Ang tagumpay ni Raffy ay nagsimula sa kanyang pangarap noon pang nag-aaral siya sa Lucena North Elementary School.

“Nung nine-years old ako, yung kapatid ko naggigitara siya. Nag-aral din ako mag-gitara then after 3 months gumawa ako ng solo concert sa elementary. High school ako, 1985, may sarili na rin akong banda,” salaysay ng musikero.

Nagtuloy-tuloy ang hilig niya sa musika pagdating sa high school at ito rin ang nagtulak sa kanya na mangibang bansa.

Dito nabuo ang Swap Six band at ito ang naging tulay  upang makapag-ikot sa iba’t ibang bansa.  

“15 years ako sa China;   five years sa Japan; four years sa Korea; two years sa Malaysia, Singapore at Thailand. Sa Hong Kong, one year ako. Yun talaga ang work ko mula’t mula pa” kwento pa nito

Nagsilbi ring inspirasyon ni Ramiro ang mga batikang mang-aawit na sa kanyang swerte ay nakasama na rin niya sa mga gig.

“Una kong tinugtog kanta ni Freddie Aguilar na Pulubi; Cotabato at Tayo’y Mga Pinoy kaya nung nakasama ko sila sa Canada sabi ko kayo ang dahilan kaya ako natutong tumugtog,” pahayag nito.  

Buong pagmamalaki naman ni Ramiro na hindi lamang iisang ‘genre’ ang kanyang kinagiliwang gawin at hindi rin nag-iisang lenggwahe ang kaya niyang kantahin. ‘Advantage’ niya ang pagiging marunong ng kantang Chinese, Korean, Japanese at marami pang iba.

“Marami na successful (musician) pero sa field ko na multi-genre and multi-language (bihira). Nakakakanta ako ng iba’t ibang language. Kinakanta ko lahat. Nagpe-perform ako ng solo. Tumutugtog ako sa Chicago sa fashion show, wedding,” salaysay pa nito.

Aminado naman si Raffy na sa Canada, mahirap pumasok ang isang Filipino musician dahil sa dami na rin ng musikero pero kung sadyang ito ang pangarap ng isang tao dapat anya itong kunin sa tiyaga at pagsisikap.

“Walang puwang ang musician na Filipino na makarating sa Canada, dahil ang kinukuha ay skilled. Ang susi lang is tiyaga kasi kahit imposible kaya mong maging totoo. Actually ako as musician hindi talaga ako pwede makarating. Ang ginawa ko lang nagtyaga ako mag-apply. Kahit pa sabihin mong nakalibot ka na sa iba pang mga bansa bilang musikero they don’t care kasi hindi nila kailangan mag-hire ng musician. Sa Canada pa lang ay marami na so ginawa ko paraan ang bar,” diin nito.

Bago matapos ang 2019 o sa pagpasok ng 2020, balak ni Raffy na bumuo ng Eagle’s Tribute Concert at muling simulan ang kanyang World Tour at mag-release ng album na ipapasok nito sa Grammy Awards.

Tunay na walang imposibleng pangarap sa isang taong may galing, talento, pagsisikap at pinakamahalaga ang puso para makatulong sa iba.

Makailang ulit na rin tayong pabalik-balik sa Canada. At ako mismo ay personal na napahanga ni Raffy sa galing nitong tumugtog at kumanta.

Kaya nga, tama ang Filipino community sa Winnipeg sa pagsasabing kung may dapat kilalaning Pinoy musician sa Canada, si Raffy Ramiro iyon!

Kudos sa iyo, Kuya Raffy, tunay kang dapat ipagmalaki ng mamamayang Pilipino!