Home>Editorial>Opinion>Raket ng mga pekeng inspector buking na ng mga negosyante

Raket ng mga pekeng inspector buking na ng mga negosyante

IBA-IBA talaga ang raket ng mga taong may sapat na kaalaman sa trabaho ng mga nasa gobyerno dahil nagagawa nilang linlangin ang publiko, lalu na ang maliliit na negosyante, para lamang kumita ng malaking halaga ng salapi.

Karamihan sa mga taong gumagawa ng kabulastugan sa kapuwa para makahuthot ng salapi ay mga dating kawani ng lokal na pamahalaan na maaaring nagretiro na o kaya ay suspendido o tuluyan ng nasibak sa trabaho dahil sa mga tiwaling gawain.

Pinakapopular na raket ng mga ito ay ang pagpapanggap bilang mga awtorisadong inspector ng lokal na pamahalaan na naatasang magsagawa ng pagsusuri sa mga dokumento, lisensiya o permiso ng mga maliliit na establisimiento o kompanyang pag-aari ng mga dayuhan, partikular ng mga Chinese national.

Kumpletos-rekados ang mga mapagsamantala dahil may nakasabit na identification card mula sa departamento ng lokal na pamahalaan na kanilang pinaglilingkuran pero batid naman ng lahat na madali lamang magpagawa ng ganitong kahalintulad na ID, diyan sa may C.M Recto sa Maynila, na ilang ulit ng nire-raid ng pulisya.

Kapani-paniwala ang acting ng mga mapagsamantala dahil alam na alam nila kung ano-anong uri ng dokumento ang hahanapin sa may-ari ng isang establisimiento o kompanya at alam din nila kung may hokus-pokus ang mga hawak na lisensiya, permiso o anumang dokumento ng kompanya.

Siyempre, dahil hindi naman talaga nila tutuluyan ang sisitahin o iinspeksiyuning establisimiento, magpapahiwatig na sila ng areglo kapag natiyak na nanginginig na sa takot ang may-ari at nasukol na nila kung ano ang mga pagkakamali o hokus-pokus sa mga dokumento.

Halos sa buong Metro Manila ay nangyayari ang ganitong raket dahil kahit sa maunlad na mga lungsod tulad ng Makati, Quezon Citu, Maynila, Valenzuela at iba pa, may mga nahuhuli ng manloloko na nagpapanggap bilang inspector ng lokal na pamahalaan para lamang makapangikil sa mga negosyante.

Buti na nga lang at madalang na o halos wala ng reklamo sa dating raket ng mga taga Bureau of Fire Protection (BFP) na tatakutin ang mga may-ari ng establisimiento na walang fire extinguisher para sa kanila bumili sa napakamahal na halaga na kung minsan ay kalahati o halos wala namang kargang nitrogen o carbon dioxide.

Bukod kasi sa sunog na sunog na ang ganitong raket, marami na ring nasibak at nakasuhang kawani ng BFP kaya halos wala na tayong naririnig na may nangyayari pang ganitong uri ng pananakot.

Dito naman sa Maynila, wala na rin halos reklamong natatanggap ang kapulisan laban sa mga nagpapanggap na inspektor kuno ng Manila City Hall para magsagawa ng inspeksiyon sa mga establisimiento mula ng maupo bilang alkalde si Mayor Isko Moreno Domagoso. Alam siguro nila na may paglalagyan sila kapag nahuli sila ng kapulisan lalu na’t ayaw na ayaw ng alkalde ang ganitong uri ng mga panlilinlang sa mga negosyanteng namumuhunan sa lungsod.

May ilan namang gumagawa na rin ng ganitong raket sa Pasay City kaya nagpalabas si Mayor Emi Calixto-Rubiano ng warning sa mga negosyante na isumbong sa kapulisan ang sinumang magpapanggap na inspector na mangingikil lamang sa kanila.

Ayon sa alkalde, hindi niya pinapayagang lumakad ng solo ang mga inspector dahil may binuo na siyang composite team na may hawak na mission order na siya mismo ang may lagda kaya kung mag-isa lamang ang mag-inspeksyon, ireport kaagad ito sa pulisya.

Pangamba ni Mayor Toby Tiangco, Makatotohanan

Mukhang tumutugma talaga ang pangamba ni Mayor Toby Tiangco ng Navotas City na posibleng tumaas ang kaso ng coronavirus disease (COVID) 19 dahil sa pagsuspindi ng Philippine Red Cross (PRC) na magsagawa ng testing sanhi ng pagkaubos ng kanilang pondong pambili ng materyales at pansahod sa kanilang frontliners.

Sabi ni Mayor Tiangco, mawawalan ng saysay ang napagtagumpayan na nilang pagbaba ng bilang ng mga tinatamaan ng nakamamatay na sakit kung hindi ipagpapatuloy ng PRC ang COVID-19 testing lalu na’t limitado na ngayon ang kanilang kapasidad sa pagsasagawa ng testing.

Ayon sa alkalde, isang linggo bago suspindihin ng PRC ang COVID testing noong Oktubre 14, nakapagsagawa sila ng 162 kada araw na pagsusuri subalit bumagsak kaagad ito ng mahigit 50 porsiyento sa 84 kada araw.

Mahalaga aniya ang maramihang pagsasagawa ng testing upang hindi na lumobo pa ang kaso ng COVID kaya’t dapat ay maayos na sa madaling panahon ang gusot sa pagitan ng PRC at ng PhilHealth.

Nabigo kasi ang PhilHealth na bayaran ang halos P1 bilyong utang sa PRC kaya natigil ang mass testing na isinasagawa ng PRC dahil wala na raw silang pambili ng materyales sa pagsasagawa ng COVID test.

Kung tutuusin, may punto si Mayor Tiangco sa kanyang pangamba dahil hindi lamang sa kanyang lungsod sa Navotas lumobo ang kaso ng COVID-19 kundi sa buong bansa.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight