Raket sa text, tigilan na

SA KABILA ng panawagan ng mga awtoridad, marami pa rin ang paulit-ulit na ginagamit ang cellphone text messaging bilang bahagi ng kanilang raket sa panlalamang sa kanilang kapwa.

Marami nang mga nabuking na promo kuno na nambibiktima sa pamamagitan ng cellphone.

Isa sa pinakabagong gimik ay ang paggamit na rin sa tanggapan ni Senador Bong Go kung saan sasabihan ang isang subscriber na nanalo sa raffle na inisponsoran umano ng mambabatas.

“MAAM/SIR Congrats! You are the lucky winner of Php 580,000.00 from (AIM GLOBAL INC.) SPONSORED BY SEN BONG GO. To claim pls text your NAME/AGE/ADD/WORK.DTI #6642S’19,” saad sa mensahe sa text.

Nilinaw naman ni Go na wala siyang iniisponsoran na anumang raffle partikular ang sinasabing AIM Global Inc.  

“For the record, I am not related to AIM GLOBAL INC.  in any capacity ever since. My office or I have not sponsored any contest of this kind before. I have always condemned those who are using my name for personal gain and for defrauding our fellow Filipinos. I will not condone these acts,” paliwanag ng senador.

“Let me say it again one more time: If anyone is using my name while applying for any permit or requesting anything from the government, consider it as automatically denied. If anyone is using my name to defraud others, consider this as your first and last warning. I will not hesitate to file appropriate charges against you,” dagdag nito.

Kaya naman sadyang kailangan ang panukala ni Senador Lito Lapid na naggigiit na magkaroon ng registry ang mga may-ari ng cellphones na ayaw maistorbo ng mga unsolicited na mensahe at tawag.

Sa Senate Bill 1196 ni Sen. Lito Lapid, bagaman ipinagbabawal na sa ilalim ng cybercrime law ang pagpapadala ng unsolicited commercial communications, nagkakaroon naman ng problema sa pagpapatupad nito dahil kailangan pang i-report ng isang subscriber ang bawat insidente.

Sinabi ni Lapid na ang kanyang panukala ang sagot sa nasabing problema kung saan magkakaroon ng isang “Do Not Contact Registry” upang ang mga phone subscribers na ayaw maistorbo ay maaring magpatala.

Ang panukala kapag naging batas ay tatawaging “Do Not Contact Registry Act of 2019”.

Kapag naisama na ang numero ng isang subscriber sa nasabing registry, nangangahulugan na ayaw nitong makatanggap ng lahat ng uri ng marketing o commercial messages.

Ang isang telemarketer, promotional company at iba pang business entity ay dapat tiyakin na hindi kasama sa Registry ang papadalhan nila ng mga unsolicited na mensahe o tawag.

Aatasan din ang National Telecommunications Commission na magkaroon ng isang hotline, website at iba pang uri ng platform kung saan maaring tumawag ang mga nagrereklamo kapag naging batas ang panukala.

Kung maisusulong ang panukalang ito, mas marami na ring manloloko ang madadala at sa tingin natin ay maparurusahan.

Kaya’t ngayong taong 2020, umaasa tayo na maisasabatas ang panukala upang matapos na ang mga panlolokong ito ng mga abusadong tao.