Rape ba talaga ang isyu sa anak ni Ate Shawie?

HINDI ko naman alam kung saan galing ang isyu ng bantang rape sa anak nila Ate Shawie at Kiko na si Frankie mula sa isang nagpakilalang Sonny Alcos sa social media.

Verbatim, ganito ang pagkakasulat sa post: “Pasalamat ka iha, kung ang edad ko 12 years old magtago ka na sa tatay mong senador Kiko matsing Pangilinan dahil hahanapin kita para gahasain tapos sisihin mo tatay mo dahil hindi ako makukulong."

Una, natural na hindi naman 12 years ang nag-post dahil iyong picture na nakalakip ay tingin ko nasa edad mid 50s. Pangalawa, kapag hinimay mo ang laman ng kanyang sinabi, hindi naman ito absolute na gusto niyang mang-rape.

Hindi naman tayo abogado pero hindi ko rin alam kung saan papasok ang elemento ng cyber crime or cyber libel man sa posted statement.

Kung iisipin lang mabuti ang laman ng pahayag ng nagpakilalang Alcos, mas tumutukoy ito sa banat kay Kiko dahil sa kanyang Juvenile Justice  and Welfare Law.

Ito iyong Republic Act 9344 ni Pangilinan na nag-aalis ng criminal liability sa mga kabataan na ang edad ay 15 years old pababa.

Mismong si Pangulong Duterte ay makailang ulit nang kinastigo si Kiko dahil sa pag-author ng batas na ito na mistulang kumunsinti sa mga minor de edad na gumawa ng krimen.

Ang batas na ito rin talaga ang ginamit ng maraming sindikato para kumuha ng mga kabataan na makakatulong nila sa krimen. Ang mga akyat bahay, bata ang ginagamit, ang mga shop lifters, bata ang ginagamit, ang mga  nagnanakaw sa mga pawnshop na dumadaan sa imburnal, mga bata rin ang ginagamit. Pati ang mga drug courier, kabataan na rin.

Ang dahilan nga, hindi naman naikukulong kahit mahuli dahil sa Pangilinan Law.

Kahit iyong mga kabataang kriminal na umaakyat sa mga delivery truck sa R10 sa Navotas at Maynila para magnakaw, iyong mga batang hamog na nagbubukas-kotse sa Edsa at sa Banawe area, nahuhuli ang iba sa kanila pero pinalalaya rin kapag nalaman ng pulis na 15 years or below ang edad.

Tanggapin man o hindi ni Kiko, naging kalasag ng mga sindikato at ng mga kabataan ang kanyang batas kahit hindi naman ganito ang totoong intensiyon niya nang pagtibayin ang panukala niyang ito.

Sa tingin ko, dito lang umiikot ang sarcastic post tungkol sa anak nila Sharon at Kiko na kung lalawakan lamang ang tingin, hindi rape ang tunay na mensahe.

Ginamit lang si Frankie para idiin ang message laban sa batas ng amang si Kiko.

Ang problema natin, naging iba ang pagtanaw kaya hayun, nagalit tuloy si nanay Shawie na nauunawaan naman natin. Pero logically speaking, hindi tatayo sa korte ang alegasyon ng banta ng rape dahil  wala sa intensiyon bagkus ay sarcasm o pang-aasar lang sa batas ng tatay ni Frankie iyon.

Kunsabagay, karapatan naman ni Sharon na magpasaklolo sa DOJ, sa NBI or kahit pa sa FBI at Interpol dahil kapakanan ng anak ang nakataya.

Uulitin ko, kailanman ay hindi magiging tama ang rape o ang banta ng pangre-rape. Mahigpit nating kinokondena ang sinumang aayon sa rape. Ang punto lamang natin, baka tama itong sinasabi sa English na "we are barking up at the wrong tree?"
allanpunglo@gmail.com