Rape sa Ateneo, totoo ba o kathang isip?

November 30, 2018

HINDI lang sapat na makisimpatiya tayo sa sinasabing biktima ng umano’y pangggahasa sa loob ng Ateneo sa Katipunan, Quezon City.

Kailangan din nating lagyan ng mukha kung sino man ang nagrereklamo ng pang-aabusong ito sa bakuran ng isa sa mga pinakaprestihiyoyong unibersidad sa bansa.

Sa tingin natin, hindi sapat ang pahayag sa Freedom Wall para lumikha tayo ng takot sa mga mag-aaral sa Ateneo.

Totoong dapat nating suportahan ang biktima subalit hindi rin puwedeng sa hangin tayo nakatingin.

Alam nating sensitibong isyu ang rape at kailanman ay hindi ito dapat kinukunsinti, lalaki man o babae ang biktima.

Pero baka masyado tayong lumilikha ng panic sa isang insidente na wala pa tayong matibay na batayan.

Hindi tayo magbibigay ng conclusion sa isyung ito dahil wala tayong personal knowledge kung ito nga ay totoo or social experiment lamang ang pagkakapaskil ng insidente sa Freedom Wall ng unibersidad.

Ang problema lamang, nagiging unfair tayo sa mismong administrasyon ng Ateneo, sa mga estudyante at sa buong sistema ng institusyon kung blank wall lamang ang batayan ng insidente.

Una, nagbibigay ng maling kaisipan sa mga kriminal ang pananatili sa shadow ng biktima kung totoo nga ang insidente. Pangalawa, lumilikha ito ng pangamba sa mga mag-aaral at mga magulang.

Kung totoo ang insidenteng ito, sana man lang ay lumantad ang biktima. Hindi sa publiko ang ibig kong sabihin. Magpakita man lamang siya sa isa sa mga opisyal ng Ateneo at magbigay ng pahayag sa insidente.

Puwede namang itrato ang kaso nang may instriktong pag-iingat na malantad sa publiko habang nireresolba. Hindi naman ito para ilabas sa publiko ang biktima dahil ang dapat mangyari, ang kriminal ang dapat mabilad sa kahihiyan kung totoo ang kanyang ginawa.

Sa higpit ng seguridad sa Ateneo at sa dami ng guwardiya, hindi tayo umaasang mangyayari ito.

Naniniwala tayo sa preserbasyon ng pagkilanlan ng biktima kung mayroon man subalit hindi makakatulong sa paglutas ng kaso at sa komunidad ng Ateneo ang hindi pagbibigay ng opisyal na pahayag kahit man lang sa pikamataas sa unibersidad.

Ang pagtatago sa krimen ay pagkakait din ng katarungan sa lipunan at sa kanyang kapwang posible pang mabiktima sa hinaharap.

allanpunglo@gmail.com