Home>Editorial>Opinion>Recycle, gawin nang mandatory

Recycle, gawin nang mandatory

ILANG taon nang pinaigting ang kampanya para sa 3Rs sa basura o ang Reduce, Recycle at Reuse pero nangunguna pa ring problema ng bansa ang tambak na basura.

Katunayan, bawat lokal na pamahalaan ay may kanya-kanya ring ordinansang ipinatutupad upang masolusyunan ang sandamakmak na basura sa kani-kanilang nasasakupan na kadalasan ding nagiging dahilan ng pagbaha pagsapit ng tag-ulan.

At sa kabila rin ng mga asignatura para sa proper waste management, hindi maikakaila na isa rin sa mga lugar na kadalasang maraming nahahakot na mga basura ay sa ating mga paaralan.

Kaya naman, maganda ang isinusulong na panukala ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na mag-oobliga sa lahat ng paaralan na i-recycle ang lahat ng papel at iba pang materyales na ginagamit sa kanilang araw-araw na operasyon.

Sa Senate Bill 696 o ang proposed Recycle Waste Act, sinabi ni Revilla na mayorya ng problema sa kalikasan sa bansa ay dahil sa mga aktibidad at pagpapabaya ng tao.

The Philippines is suffering from the degradation of the natural environment. It has 50 major rivers now polluted because of abuse and neglect. Approximately two-thirds of the country’s mangroves have been lost. In one century, we had cut down close to 97% of our original forests,” pahayag ni Revilla sa kanyang explanatory note.

Binigyang-diin ni Revilla na marami pang environmental issues sa bansa tulad ng climate change, high risk for agriculture and food security at waste management problems.

Sa gitna nito, sinabi ng senador na may mga hakbangin na kailangang gawin ang taumbayan at ang edukasyon ang unang hakbang para makahanap ng solusyon.

Batay sa panukala, lahat ng paaralan ay oobligahing gumamit ng papel at iba pang materyales na may 15 percent recycled material sa lahat ng proyekto at aktibidad.

Kailangan ding isama ng Department of Education at ng Commission on Higher Education sa pakikipagtulungan sa Department of Environmental and Natural Resources sa school curriculum ang recycling.

Mandato rin ng DepEd alinsunod sa panukala ang implementasyon ng komprehensibong multi-material recycling program.

Sa sandaling maging batas, ipalalathala sa DepEd ang lahat ng mga paaralang hindi susunod sa mga probisyon nito.

Siguro nga mas magiging epektibo kung sa halip na pagpapaalala lamang ay gagawin nang mandatory ang pagre-recycle ng mga papel at iba pang materyales na ginagamit sa mga paaralan para sa pagbabawas natin sa bultong basura sa bansa.

Alam naman natin na likas na rin sa mga Fillipino na kapag hindi sapilitan ang pagpapatupad ng regulasyon ay marami pa rin ang gumagawa ng palusot at alibi upang hindi sumunod dito.

Bukod dito, sa murang edad pa lamang ng mga bata dapat lamang na maturuan sila ng disiplina sa tamang pagtatapon ng basura upang hindi bumaho ang Pilipinas sa paglipas ng mga taon.

Wala itong pinag-iba sa mga nakikita at nababasa nating reklamo laban sa mga iresponsableng pagtatapon ng mga ginamit na face mask at face shield na pangunahing gamit sa pag-iwas laban sa COVID 19.

Bukod sa inisyatibo ni Caloocan Councilor Vince Hernandez na paglalagay ng mga basura laan lamang sa mga used face mask at shield, hanggang ngayon wala pa tayong nakikitang mga malinaw na polisiya hinggil sa tamang pagtatapon ng mga ito.

Sana bago mahuli ang lahat magkaroon ng totoong pagtalima sa mga hakbangin para sa tamang waste management sa bansa.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large