Red tape sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board alisin

KUNG talagang gusto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na tulungan ang publiko, hindi na nito pahihirapan ang mga colorum na Grab sa pagkuha ng permit o lisensiya.

Kaya naman kasi nag-colorum ang may 8,000 na Grab ay dahil sa sobrang hirap sa pagkuha ng permit mula sa LTFRB. Dini-activate ng Grab ang mga nasabing unit dahil na rin sa mahigpit na pagbabawal ng Grab sa mga colorum.

Heto ngayon at ang publiko ang nahihirapan.

LTFRB, ‘wag nang pahirapin ang sistema.  Bilisan ang pagrelis ng lisensiya ng mga colorum upang makabalik na sila sa serbisyo.

Ganun lang kadali ang solusyon sa problema.

**

Isa pang sakit sa ulo itong mga shipping lines na walang sapat na garahe para sa kanilang mga container. Ito ang dahilan kung bakit dagdag sa problema ng trapik sa Metro Manila partikular sa Port Area, Manila ang mga container truck na nakahambalang sa kalsada.

Kung hindi n’yo pa alam, ang mga container truck na ‘yan ay nag-aantay ng bakanteng pwesto sa garahe ng mga shipping lines upang ibalik ang mga container o ‘lata’ sa naturang mga kumpanya. Laging puno kasi ang mga ito at habang walang pwesto ay naghihintay ang mga truck sa mga kalsada ng Port Area bitbit ang mga container.

Kaya sobra ang trapik sa lugar na ‘yan.

Ang tanong, bakit hindi maayos ng mga otoridad at shipping lines ang problemang ito?

Nagkaroon na ng pagdinig sa House of Representatives para sa usaping ito pero walang epek. Kung hindi matigas ang ulo ng mga higanteng shipping lines, inutil ang mga tanggapan ng pamahalaan na responsable dito.

Ingat kayo diyan sa Philippine Ports Authority at iba pang may kinalaman na ahensiya dahil hindi lang mga korap ang sinisibak ni Pangulong Duterte.

May tulog din ang mga pulpol.

**

Bakit nga ba pinagtrabaho pa si Manoy Eddie Garcia sa kabila ng kanyang edad? Maselan na ang lagay ng mga tao na nasa edad ni Manoy. At kung iisipin ang mga role na ginagampanan niya, dapat ay nag-ingat ang mga tao na nasa paligid niya habang siya ay kumakayod.

Dapat na pinag-ingatan si Manoy dahil isa siya sa haligi ng industriya sa pag-aartista sa bansa. Maituturing na ginto si Manoy na dapat binigyan na sapat na proteksiyon sa anumang disgrasya kaugnay sa kanyang trabaho.

Sana ay labanan pa ni Manoy ang kanyang kalagayan sa kasalukuyan. Marami ang malulungkot kung  mawala ang iniidolo ng marami.

At nawa’y magsilbi itong aral sa mga movie producer sa pagpapahalaga ng mga nalalabing pundasyon ng Philippine movie industry.

**

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com