Rehab centers, buhayin

September 23, 2019

SA TINDI pa rin ng problema natin sa iligal na droga sa bansa, lilitaw na kung ang operasyon lamang ng mga awtoridad sa mga pusher ang aasahan ay hindi talaga mabibigyang solusyon ang suliranin.

Palagian na ring ipinupunto ni Senate President Tito Sotto na dapat ding sabayan ng demand reduction ang supply reduction acts.

Kaya naman para sa atin, napapanahon na rin ang pagpapaalala ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang Dangerous Drugs Board (DDB) sa paggamit ng mga drug rehabilitation facilities upang bigyang pagkakataon ang mga drug dependents na magbago.

Sa impormasyon, mayroong 54 rehabilitation centers sa bansa kasama na ang 19 na pinamumunuan ng Department of Health (DoH) gayundin ang mga private rehabilitation centers na may  5,300 bed capacity.

Subalit mababa anya ang occupancy rate kaya’t nais malaman ni Go kung ano ang kailangang gawin upang mahikayat ang mga drug dependents na sumailalim sa rehabilitation program.

“Sayang ang mga facilities natin doon, hindi lang natin masyadong nagagamit like Bukidnon, malaki ang nagastos, Nueva Ecija, Las Piñas, maganda ‘ung pinapagawa ni Sen. Villar,”  saad ni Go.

Iginiit naman ni PDEA Director General Aaron Aquino na mas epektibo kung gagawing community-based ang treatment sa mga drug dependents.

Ipinaliwanag pa ni Go na marami sa mga drug dependents ang ayaw pumasok sa mga kasalukuyang rehab centers dahil sa layo sa kanilang mga pamilya.

Subalit iginiit ni Go na kung nais talaga ng drug dependents na magbago ay pipiliin pa rin nilang magparehab kahit malayo.

“Usually, kung gustong magpa-rehabilitate nung adik, talagang dinadayo nila, tulad nung may kapasidad na magbayad ng mga private care, dinadala talaga nila sa mga isolated areas, tulad ng Bukidnon, Nueva Ecija. Kung sino talaga gustong magpa-rehab, pwede naman kung gusto talaga,” diin ni Go.

“Papaano natin makukumbinsi itong mga adik na magparehab sila, eh malalayo sila? ‘Yung sinasabing community-based rehabilitation, kulang ‘yung mga ginagawang rehabilitation kung community-based. Babalik pa rin yung mga adik,” diin pa nito.

“Full support po kami dito sa Senado. Ako ay sumusuporta sa inyo. May pakiusap lang po ako sa inyo, ‘yung drug lords ang unahin natin. Sila ‘yung nagsu-supply. Pangalawa, ‘yung mga gustong magbagong buhay, tulungan natin na ma-maximize ang mga rehab (centers). Sila rin ay biktima. Kawawa naman. Marami pa naman gustong magbagong buhay. Tulungan natin sila,” dagdag pa ng senador.

Isinusulong ni Go ang panukala para sa pagtatayo ng drug abuse treatment at rehabilitation center sa bawat lalawigan.

“Nais natin na magkaroon ng mga drug rehabilitation centers ang bawat probinsya sa buong bansa. Ang mga centers na ito ang tutulong sa mga drug dependents upang magamot ang kanilang adiksyon at matulungan silang mamuhay ng normal muli,” paliwanag ni Go.

“Habang walang humpay ang kampanya natin kontra sa mga kriminal na sangkot sa mga drug-related na krimen at sa mga sindikatong involved sa illegal drug trade, kailangan din nating tulungan at sagipin ang mga drug dependents na naging biktima ng kanilang adiksyon sa bawal na gamot,” diin pa nito.

Kung may mga available naman palang rehab centers, dapat gamitin ito ay buhayin ang programa para sa mga user upang tuluyan na nating masolusyunan ang napakatagal nangj problema sa droga.