Reklamo sa BoC, dumarami

September 01, 2019

DUMARAMI na ang reklamo nating tinatanggap kaugnay ng walang patumanggang pagpapa-additional sa babayarang buwis ng importer mula sa mga taga-Formal Entry Division (FED) ng Bureau of Customs, lalo na sa Manila International Container Port at Port of Manila.

Pati daw mga shipment na may kaakibat na original Form E o Acfta ay hindi daw tinatanggap ng mga taga-Formal Entry Division (FED) ng  PoM at MiICP.

Ang katuwiran, lalo na ng mga examiner at appraiser,  kailangan daw sundin ang NVVS value.

Ang matindi, ayon sa ating miron, ang sinasabing NVVS value ay mukhang hinango lang daw sa internet kaya’t lubhang mataas ang value ng mga produkto para gawing basehan.

Ang mahirap pa, kapag daw nakiusap sila sa mga tag-FED ay wala rin mangayayari dahil ituturo nito ang district collector.  

Kapag ganito, sori ka nalang dahil hindi mo naman mahahagilap ang collector. Laging isasagot sayo ng mga staff niya, nasa miting o naka-leave.

Kung sabagay, noong araw pa naman uso na diyan sa BoC ang turuan.

Ganyang na ba kalala ngayon sa Aduana?

Alam kaya ito ni Commissioner Jagger  Guerrero?

Oo nga pala Sir Jagger, bakit pinapayagan ng mga taga-FED na $0.30/kilo lang ang value ng tiles sa MICP?  

Ayon sa ating miron, ang rate ng ceramic tiles ay $0.50/kilo. Kanino bang kargamento ‘yan at mukhang napakalakas?

At heto pa, bakit sa isang malaking puerto sa probinsiya mababa ang presyo ng mga binabayaran?  

Ano naman kaya ang ginagawa ng mga tauhan sa CIIS at ESS na magagaling magpa-alert ng kargamento?

Depcom Raniel Ramiro, Sir, alam mo ba ‘yan?

Kilos na Sir, bago kayo mapatawag ni Sen Ping Lacson at Sen. Dick Gordon!

Pahabol lang Sir, totoo bang wala naman nahuling mahigit 100 containers ng asukal? Nagtatanong lang po!

Abangan...

***

Ibang-iba ang malasakit na ipinapakita ni  Senador Bong Go sa mga mahihirap, lalo na sa mga may sakit na walang kakayahang magpa-ospital.

Sa totoo lang, bukambibig ngayon ng taumbayan ang “malasakit center” ni Senador Go.

Sa mga umpukan ng tao, lalo na sa mga probinsya, laging laman ng usapan ang pangalan ng dating  Special Assistant to the President.

Lahat ay gustong iparating kay Senador Go ang kanilang mga problema.
Ayon sa kanila, siguradong matutulungan sila dahil kilalang “action man”  si Sen. Go

Pati siguro ang mga tiwali at tamad na lingkod-bayan ay kinakabahan kay Senador Go.

Kapag kasi nakarating kay Sir Bong ang mga kalokohang pinaggagawa nila, siguradong makakarating ito kay Pangulong Duterte.

Maganda  ito kay Pangulong Duterte dahil maliban sa paggawa ng batas ay nagsisilbi pa niyang “mata at tainga” si Senador Go.

Keep up the good work Senator Go!

***

Nakalulungkot naman ang balitang isa sa mga nakakasira sa Manila Bay ay ang mga itinapong health-care waste.

Ang mga basurang ito ay galing sa mga ospital at clinic, ayon sa Department of Health (DoH).

Ang masakit nito, kikita pa ang mga ospital at klinika imbes na maparusahan.

Paano ba namang hindi, eh, sa kanila din dadalhin ang mga biktima na magkakasakit kapag sila’y naligo sa lawa o nakakain ng mga isdang nahuli dito.

Ayon sa ulat, marami pa ring ospital ang hindi maayos ang pagtatapon ng kanilang health-care waste. Kailangang tutukan itong maige ng mga otoridad.

Kaugnay nito, may mga nagmumungkahi din na dapat tingnan din paano ang waste disposal naman ng mga punerarya.

Mahirap na baka may mga nagtatapon ng mga bagay na ginamit sa pagembalsamo ng mga patay sa ating mga lawa.

Hindi masamang pasyalan ng mga otoridad ang mga lugar na pinageembabalsamuhan ng mga punerarya.

Ito’y para naman sa kaligtasan ng taumbayan.

Tama ba kami, Pangulong Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)