Home>Editorial>Opinion>Reklamo sa Ombudsman vs BIR director

Reklamo sa Ombudsman vs BIR director

MAHIRAP” din talaga ang maging isang mamamahayag, mga kabayan. Ikaw kasi kung minsan ang “nilalapitan” ng iba nating mga kababayan hinggil sa mga isyu at problema na gusto nilang makarating sa mga kinauukulan.

Bagaman, “nakakataba” rin naman ng puso na mas marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagtitiwala sa media kaya, ayos na rin naman.

Kaya nga kung noong Martes, Marso 9, ay ang masaklap na karanasan ng isang “inaping pulis” (inapi ng kanyang mga kasamahan) ang binigyan natin ng puwang, reklamo naman ngayon sa isang BIR director sa Quezon City na ipinaabot na pala sa Office of the Ombudsman.

Ayon pa nga sa nagreklamo na si ‘Mr. Robert Ong,’ “nahikayat” siyang magreklamo na sa OMB dahil sa kanyang “paniwala” sa kampanya ni PDU30 laban sa korapsyon at katiwalian sa pamahalaan, na tama lang naman, hindi ba, BIR Commissioner Caesar Dulay?

Ang tinutukoy naman sa reklamo ay si BIR Director II Romulo Aguila Jr. ng BIR 7B East NCR, Quezon City.

Sa liham ni Ong sa OMB na natanggap noon lang Marso 3, 2021, nakasaad na una nang naakusahan ng OMB, mismo— at nasuspindi pa umano— itong si Aguila ng paglabag sa RA 6713, partikular sa isyu ng maling mga deklarasyon sa kanyang ‘SALN’ (statement of assets and liabilities and net worth).

Hindi kasi umano isinama ni Aguila ang kanyang mga ‘shares of stocks’ at mga sandata (firearms) sa kanyang SALN.

Hindi naman malinaw kung ano ang taon o panahon na tinutukoy ni Ong kung kailan umano nasuspindi si Aguila; ang malinaw sa kanyang “hinagpis,” err, sulat, ay ‘na-promote’ pa nga itong si Aguila sa pagiging direktor mula sa dati nitong posisyon na ‘RDO’ (revenue district officer).

Ayon pa sa reklamo ay mayroon na ngayong iba’t-ibang mga sasakyan ang respondent kung saan ang dalawa umano sa mga ito ay ‘bullet-proof.’

Bukod pa umano sa pag-aari sa mga ‘condominium units’ sa Metro Manila, may mga bahay-bukasyunan na rin umano itong si Aguila sa Baguio City at Tagaytay City, naks naman, hehehe!

Mahilig” din umano sa ‘golf’ itong si Aguila kung saan kahit oras ng trabaho ay naglalaro kasama ang kanyang mga RDOs.

Aber, kung totoo naman kahit kalahati lang sa mga akusasyon ni Ong laban dito kay Aguila, eh, dapat talagang alamin ni OMB Samuel Martires.

Samantala, hihintayin naman natin kung ano man ang magiging reaksyon ni BIR director Aguila sa reklamo ni Ong sa Ombudsman laban sa kanya kaya…

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight