Home>Editorial>Opinion>Reporma sa ‘ME Kafala’ pabor sa OFW

Reporma sa ‘ME Kafala’ pabor sa OFW

IPINAGBUNYI ng ating mga OFWs sa Middle East ang ipinahayag ng pamahalaan ng Saudi Arabia na sa Marso 2021, mas papaluwagin na ang kanilang kasalukuyang “kafala system” o “sponsorship system”.

Sa ilalim ng sistema ng Kafala, hindi basta basta makakaalis o makakalipat ang mga OFWs ng walang pahintulot ng kanilang mga amo. Dahil sa bagong “Labor Relation Initiative” naman sa KSA, mas magkakaroon ng kalayaan o ‘job mobility’ ang mga migranteng manggagawa hindi lamang ang mga Pilipino.

Tinatayang 865,121 na Pilipino ang nagtatrabaho sa Saudi Arabia sa ngayon, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Matagal nang nagpapahirap ang “Kafala” system na umiiral sa mga bansa sa Gitnang Silangan sa maraming Pilipinong nagta-trabaho doon.

Ang sistema, anila, ang ugat ng maraming kaso ng pang-aabuso at pagmamaltrato sa marami nating mga kababayan lalo na sa mga “domestic helpers”.

Naging malaking hamon para administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problemang kinakaharap ng mga OFW, lalo na dahil sa marami sa mga sumuporta sa kanya noong eleksyon ay mula sa hanay ng OFWs.

Ang hindi naman alam ng karamihan, gumawa ng mga hakbang ang ating pamahalaan upang maisulong ang reporma sa Kafala upang “mapagaan” ang kalagayan ng ating mga kababayan.

Kailan ba talagang nagsimula ang maigting na kampanya ng Pilipinas laban sa hindi patas at di- makatarungang ‘Kafala system?’

Noong 2018, matatandaan na sinabi ni PDU30 na ang Pilipino ay hindi maaring ituring na alipin ninuman saan mang bahagi ng mundo.

Sinabi niya ito ilang araw matapos matuklasan ang bangkay ng OFW sa Kuwait na si Joanna Demafelis na nakadanas ng matinding pang-aabuso sa kamay ng kanyang mga amo.

Naging dahilan din ito ng panandaliang pagpapahinto sa ‘OFW deployment’ sa Kuwait at paglulunsad ng malawakang repatriation ng mga OFW sa Kuwait na gustong umuwi ng Pilipinas.

Sa panahong ito, si Cong. Alan Peter Cayetano ang nakatalagang pinuno ng Department of Foreign Affairs.

Hindi makakaila ang markang iniwan niya sa DFA na ngayon ay nagkakaroon ng magandang bunga.

Tumindig ang gobyerno ng Pilipinas para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kawawang Pilipina sa kamay ng kanyang mapagsamantala at malupit na mga amo at sinimulan ang matinding kampanya para sa mas maayos at patas na pagtrato sa mga migranteng mangggawa.

Noong panahong iyon ay kasagsagan din ng negosasyon ng bansang Pilipinas para mabuo ang Global Compact of Migration, na kauna-unahang United Nations Global Agreement na tutugon sa iba’t ibang pangangailangan at karapatan ng mga migrante sa buong mundo.

Malinaw ang direktiba ni Pangulong Duterte noong umupo si Cayetano sa DFA: “Huwag” pabayaan ang mga OFWs na nasa gitna ng panganib at itaguyod ang kanilang karapatan at kaligtasan sa ibang bansa.

Kaya nga, kahit hindi nagustuhan ng gobyerno ng Kuwait, naglunsad ng ‘rescue operation’ ang ating embahada sa mga inaaubusong kasambahay na ang ‘video’ ay ‘nagviral’ pa nga noon sa ‘social media.’

Noong kasagsagan ng isyu tungkol sa pagkamatay ni Demafelis at paglabas ng kontrobersyal na video ng rescue operasyon, hindi naman natinag si Cayetano.

Maraming bumatikos sa kagawaran at mga opisyal ng embahada noong panahong iyon ngunit mas nanaig sa kanila ang kagustuhan na maisalba ang mga “inaapi” at nanganganib na mga OFWs.

Kilala si Cayetano sa kanyang paninindigan at pakikipaglaban sa mga naaapi.

Madalas niyang sinasabi na “kapag may mali at may inaapi, labanan at kapag tama, dapat ipaglaban

Hindi naman binigo ni Cayetano si Tatay Digong dahil pagkatapos lamang ng tatlong buwan pagkatapos ng maiuwi ang bangkay ni Demafelis sa Pilipinas ay napirmahan na ang bagong “Agreement on the Employment of Domestic Workers” sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas.

Para sa DFA, tinuturing nilang matamis na tagumpay para sa Pilipinas na malaman na sunod-sunod na ang pagluluwag ng Kafala systema sa maraming bansa sa ME, ang pinakahuli nga ay ang Saudi Arabia.

Sa liderato ni Cayetano, nagsimula ang pagsusulong ng DFA ng mga mahahalagang probisyon laban sa “Kafala system” sa isang International Agreement na tinawag ng Global Compact for Migration o GCM.

Para kay Cayetano, ang laban sa pang-aabuso at pananamantala sa mga OFW ay hindi maaring masolusyunan ng Pilipinas bilang isang bansa lamang kaya’t kailangan magkaroon ng katuwang na ibang bansa upang mas maging pangmatagalan ang solusyon.

Sa 73rd United Nations Assembly sa New York noong 2018, sinabi ni Cayetano na ang diskusyon tungkol sa isyu ng migration ay dapat magkaroon ng “open, frank at thorough” para makapaglatag ng mas kumprehensibong intergovernmental negotiated compact na magtitiyak sa proteksyon ng mga migranteng manggagawa laban sa exploitasyon at pang-aabuso.

Malaki naman ang ating tiwala sa kasalukuyang pinuno ng DFA na Sec. Teddy Boy Locsin na itutuloy niya ang laban para sa mas ligtas at mas kumportableng buhay ng mga Pilipinong OFW.

Tuloy lang. Sec. Locsin, ang laban, sa “Kafala” at sa mga sistema na nagpapahirap sa mga OFWs.

Publication Source :    People's Tonight