Revenue Target ng BoC, nalampasan!

July 05, 2020

MAGANDANG balita ang hatid ng Bureau of Customs.

Nalampasan kasi ng ahensiya ang kanilang revenue collection target para sa buwan ng Hunyo.

Ito'y sa kabila ng mga quarantine restriction na ipinapatupad ng gobyerno.

Ayon sa record ng BoC financial service, nalampasan ng ahensya ang June 2020 target ng 4.4 percent o P1.8 bilyon.

Ang  total na koleksyon ay umabot ng P42.53 bilyon kumpara sa target na P40.73 bilyon.

Labing-isa sa labing-pitong collection districts ang umabot sa kani-kanilang target collections.

Ito ang mga puerto ng San Fernando, Legaspi, Cebu, port Tacloban, Cagayan de Oro, Zamboanga, Davao, Subic, Clark, Aparri at Limay.

Ang positibong collection performance ay bunga ng "intensified collective effort" ng mga collection district.
Ito'y bunga rin ng lumaking volume ng importasyon.

Sinisikap din ng gobyerno masiguro ang  "unhampered movement" ng mga produkto.

Dahil may COVID-19 pandemic, restricted ang galaw.

Sa kabila ng magandang collection ng ahensya, lalo pang hinìhigpitan ng BoC ang pagpapatupad ng mga measure para labanan ang technical smuggling.

Kahit may pandemic, meron pa rin mga  sumusubok magpalusot ng mga undervalued, misdeclared na kargamento.

Kaya naman puring-puri ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero ang kanyang mga tauhan.

Kahit may  tinamaan na ng COVID-19 ay hindi pa rin nagpapatinag ang mga taga-BoC.

Tuloy pa rin ang kanilang pagsi-serbisyo sa mga port user, lalo na sa mga importer at broker.

Kagaya ng ibang frontliner sa bansa, malaking sakripisyo ang ginagawa ng mga taga-BoC para hindi na kumalat ang nakamamatay na Corona virus.

Ito ay pagpapakita ng kanilang "unwavering commitment and dedication to service."

Ito ay ayon mismo kay Guerrero, isang dating hepe ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Hindi biro ang ginagawa ng ating mga kaibigan diyan sa aduana.

***

Akala ng mga bugok diyan sa Ninoy Aquino International Airport  ay makalulusot ang mga kalokohan nila sa BoC-NAIA.
Mga ogag talaga!

Hindi naman kaila na mahirap ng magpalusot ng mga kontrabando diyan sa BoC-NAIA, mapilit pa rin sila.

Kumpiskado tuloy ang mga branded na relo na gusto nilang iligal na ipasok sa bansa.

Kabisado na ng mga tauhan ni BoC-NAIA District Collector Mimel Manahan-Talusan ang ibat-ibang  modus operandi ng mga ismagler.

Nagkakahalaga ng mahigit P1.1 milyon, ang mga branded na relo ay galing ng Estados Unidos.

Ayon sa deklarasyon, ang kargamento ay naglalaman daw ng "personal effects."

Kasama sa mga nahuli ay mga bag, wallet at sapatos na ang dami ay pang-komersyo, taliwas sa deklarasyong "personal use."

Ang shipment ay labag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Ini-refer na ang talaan ng kargamento sa BoC-Action Team Against Smugglers (BATAS) para matukoy kung sino ang dapat kasuhan sa natimbog na ismagling.

Laging nasa limelight ang BoC-NAIA dahil sa mga accomplishment nina Collector Mimel at ng kanyang mga tauhan.

Tama ba kami BoC Commissioner Jagger Guerrero?

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430-email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang huong pangalan at tirahan. )