Home>Editorial>Opinion>Riot ng mga honorables

Riot ng mga honorables

GINULANTANG ng kaguluhan ang isang hotel sa Maynila.

Walang kinalaman dito ang mga SRB o Samahang Rugby Boys or mga BCJ or mga Batang City Jail.

Ang mga sangkot dito ay League of Extraordinary Honorable Empacho boys, meaning mga walang kabusugang pulitiko.

Nasa isang ballroom ng hotel sa lungsod ang mga pulitiko para ipagdiwang ang “one for you and two for me” alias partehan sa mga pondo ng gobyerno.

May isang lady politician ang pinagmulan ng gulo dahil ininsulto naman nito ang isa nilang miyembro. Pagkainsulto sa lalaki, pinukol siya ng mani sa mukha ng kanyang inasar.

Iyon ang pinagmulan ng tensiyon dahil may mga nagkabunutan pa pala ng baril. Nag-walkout iyong inasar pero hindi pa pala doon natapos ang gulo. May isang basagulerong kasama ng inasar ang nanuntok na lang bigla na lalong nagpadagundong sa ballroom.

Mabilis naman naawat ang kaguluhan at mas lamang ang putakan kaysa putukan. Nagsumbatan sila-sila, nagsigawan na parang nagaganap na derby sa ballroom.

Ang sana’y masayang selebrasyon sa kaarawan ng isang uhugin nilang boss ay kamuntik nang mauwi sa bloody party.

Ang balita natin, iyong inalaska ay kakalas na sa coalition at malamang ay nagbubuo ng bagong grupong sisibak sa tropa ng mga nagsabwatan para siya’y i-bully sa party-party.

Hindi natin alam kung kailan magaganap ang isang pasabog ng pagbibitiw ng inasar. Masyado nitong dinibdib ang pambu-bully sa kanya ng mga kasamahan na hindi naman daw siya loyalista sa grupo kaya dapat lamang siyang hindi mabigyan ng puwesto.

Matunog kasi na iba ang manok nito sa agawan sa posisyon kaya ayaw sa kanya ng isang faction sa kanilang barkadahan.

Pero balita natin, iyong naupo naman ay nanganganib na rin dahil ayaw din sa kanya ng malaking bulto ng mga miyembro dahil bukod sa kilala ito bilang Juan Tamad, mahina rin ang liderato dahil nga putok sa buho ang nakuhang posisyon.

Ano kaya ang masasabi ni Jose Rizal habang nagkakagulo ang mga honorables sa isang hotel na nasa kanyang harapan lang? allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV