Road clearing, ningas kugon at pakitang gilas

December 18, 2019

DAPAT lang na maglabas muli ng panibagong direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na mag-aatas sa mga local government units (LGUs) na ituloy ang paglilinis sa mga lansangan.

Para kasing naging ningas-kugon at pakitang-gilas lang ang karamihan sa mga punong lungsod sa kanilang masigasig na paglilinis sa lansangan matapos itong simulan ni Manila Mayor Isko Moreno.

Nagkanda-kumahog nga sila sa paglilinis nang bigyan ng palugit ng DILG at kaagad na winalis sa lansangan ang mga illegal vendors, illegal terminal at illegal parking ng mga sasakyan at ipinagiba pati na ang mga barangay hall, health center at detachment ng pulisya na itinayo sa bangketa. Ang resulta, karamihan ay nakuha ang 100 porsiyentong compliance ng DILG.

Pero makaraan lang ang ilang linggo, unti-unting bumalik ang mga sagabal, lalo na ang ilang mga vendors, terminal ng tricycle at jeepney pati na ang illegal na pagparada sa mga pangunahing lansangan.

Dito nga lang sa kahabaan ng C. Namie Street na sakop ng Barangay 43 at 37 sa Caloocan City, sinakop na ang magkabilang lansangan ng mga nakaparadang  tricycle at pribadong sasakyan kaya’t lalong lumiit ang kalye na alternatibong daan pa naman patungong Maynila.

Ginagawa kasi ang kalahati ng lansangan ng Rizal Avenue Extension patungong Maynila paglagpas ng R. Papa kaya’t sa C. Namie St. dumadaan ang ibang sasakyan pero dahil sa isang katerbang sagabal, naiipit din sa masikip na daloy ng trapiko ang mga motorista.

Ang nakapagtataka, walang ginagawang aksiyon ang mga opisyal ng barangay sa lugar at hinahayaan lang ang mga nakabalagbag na tricycle at magkabilaang parada ng mga pribadong sasakyan kaya ang dalawang linya ng C. Namie St., nagiging isahan lang.

Kailangan pa ba ang  utos ni Mayor Oca Malapitan para umaksiyon ang Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) para puntahan ang lugar dahil mukhang walang pag-asang umaksiyon dito ang punong barangay. P10k bonus

Mistulang tumanaw ng utang na loob ang pamahalaang lungsod ng Navotas City sa kanilang mga kawani nang ipasa ng Sangguniang Panlungsod ang isang ordinansa na magkakaloob sa mga empleyado ng P10,000 bonus ngayong Pasko.

Sa ilalim kasi ng nilagdaang ordinansa ni Mayor Toby Tiangco, magbibigay ng isang beses na Angat Navotas economic assistance at service recognition incentive ang lungsod sa mga regular, casual, contractual at job order employees ng Navotas City Hall, pati na ang mga guro ng Navotas  Polytechnic  College.

Ayon sa alkalde, nagtrabaho sila nang husto para maabot, hindi man malagpasan, ang mga layuning itinakda sa kasalukuyang taon kaya nararapat lang na bigyan ng pagkilala ang naging ambag ng mga kawani sa patuloy na pag-angat  ng lungsod.

Binanggit ni Mayor Toby ang mga natanggap na parangal at pagkilalang nakamit ngayon taon kabilang ang Seal of Good Local Governance, Commission on Audit unqualified opinion, Seal of Good Education Governance, at Seal of Child-Friendly Local Governance.

Ginawaran din ng Silver Trailblazer Award at PhilHealth Strong Partner in Health Service Delivery ang Navotas City Hospital at City Health Office, bukod pa sa pagkakaroon ng pinakamahusay na mga programa sa oral health, tuberculosis control, at lifestyle-related diseases prevention and control at iba pang mga pakilala.

Sabi ni Mayor Toby, ang bonus na tinanggap ay mula sa buwis na ibinayad ng mga Navoteño sa pamahalaang lungsod kaya’t bilang ganti ay dapat lang na ipakita nila ang pasasalamat sa pamamagitan ng patuloy na pagkakaloob ng tapat na serbisyo at wastong pamamahala.

PNR rehabilitation

Patok ngayon sa publiko ang biyahe ng Philippine National Railways (PNR) dahil bumiyahe na  ang dalawang bagong three-coach units na binili sa Indonesian firm sa rutang Malabon-FTI Taguig matapos bigyan ng go-signal nina Transportation Secretary Arthur Tugade at PNP General Manager Junn Magno.

Sabi ni GM Magno, sa susunod na taon ay puwedeng umabot sa 40 coaches ang train na bibiyahe dahil darating pa ang apat na four-coach trains na mas kapakipakinabang. Plano nilang makapag-biyahe ng mula walo hanggang 10 trips kada araw mula anim dahil sa ngayon ay kailangan pa ang sapat na pagmimintina sa mga coaches.

Ang maganda, walang magaganap na fare hike ayon kay GM Magno sa kabila ng patuloy na rehabilitasyon ng mga pasilidad ng PNR at kumpleto rin ang mga safety measures upang matiyak na maasahan ang mga bagon.

Sa ngayon aniya ay patuloy ang kanilang proyektong isinasagawa sa PNR na magdurugtong sa Calamba, Laguna at Legazpi, Albay na posibleng may partial operation na sa 2021 habang ang Malolos Terminal station naman ay inaasahang operational bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa 2022.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363