Home>Editorial>Opinion>Russian roulette vaccine

Russian roulette vaccine

MAY isang mister ng duktor ang nagpaturok ng bakuna. Hindi ko na lang sasabihin dito kung anong brand para hindi lumikha ng takot. Hindi ko na rin babanggitin kung saan nangyari pero dito lang sa isang lungsod sa Metro Manila ito.

Isusulat ko ito para lang sa DOH at sa mga taong namamahala ng bakuna sa buong bansa na maging maingat at tiyaking angkop sa isang tao ang kanilang ituturok. Or kung kaya ba ng sistema ng katawan ng babakunahan ang papasok na gamot sa kanyang katawan.

Matapos mabakunahan si mister, kinagabihan ay gininaw. Inakala nilang natural side effect lang ito ng itinurok na bakuna. Uminom ng paracetamol, hindi nawala ang nararamdang chill ni mister hanggang umabot sa apat na araw na parang trangkaso, isinugod na nila ito sa ospital.

Umabot sila ng 14 na araw sa ospital, namatay si mister, ang deklarasyon sa ospital “severe pneumonia.” Ibig sabihin, apat na araw nilagnat, plus 14 days sa ospital, namatay si mister matapos ang 18 days nang mabakunahan.

Nang pumunta ito sa vaccine site, malakas ito, walang sakit at walang anumang indikasyon na may nararamdamang kakaiba sa kanyang katawan. Hindi naman daw ito nagyoyosi at maayos ang kalusugan.

Nitong Martes, April 13, inilabas ng misis sa ospital ang bangkay ni mister na 53 years old lang.

Ngayon, sino ang dapat managot sa nangyaring ito? Pasok dapat ito sa indemnification law na hiniling ng mga bansa na nag-manufacture ng bakuna.

Ang problema rito, sasabihin na naman nila na walang indikasyon na bakuna ang naging sanhi ng kamatayan. Ganyan din ang sinabi nila sa mga namatay sa Norway matapos maturukan ng bakuna, ganyan din ang sinasabi nila sa mga nagkaroon ng blood clotting sa Europe. Ganyan din sinabi nila sa nabaldadong tatay sa Caloocan matapos maturukan.

Mahirap din naman ang mga nangyayaring ito na wala kang kalaban-laban kapag sinabi nila na isolated case lang ang mga natotodas matapos maturukan ng bakuna.

Hindi naman puwedeng parang Russian roulette ang vaccine na hindi mo alam kung kanino tatama ang deadly side effect!

May mga nanghihikayat na sa akin na magpabakuna pero palagi kong tinatanggihan. Hindi pa ako kumbinsido sa kahit anong brand kaya doble ingat din ako sa aking magiging desisyon.

Hindi rin natin masisi ang mga kababayan nating magpapabakuna dahil sa nilikhang takot ng virus na lumumpo sa ekonomiya ng buong mundo at kumitil na ng maraming buhay. Buwenas ang mga taong maganda ang dating sa kanilang katawan ng unang turok. Maghihintay na lang sila ng second dose para sa inaasam nilang full protection.

Pero iyong mga hindi maayos ang naging side effect, puwede ngang sabihing maliit na porsiyento lamang ito. Ang masakit lang, kung iyong kaanak mo o ikaw ang makasama sa “isolated case” na ito.

Ang bawat isang buhay ay mahalaga kaya dapat lamang na wala sa sistema ng gamutan na “baka suwerte ka or baka malas ka” depende sa magiging resulta matapos kang maturukan.

Maaring sa iba, walang kuwenta ang isa o dalawang namatay sa bakuna, pero paano doon sa pamilyang naulila? Condolence na lang na parang walang nangyari? Hindi naman puwedeng ganoon na lang.

Sana lang, seryosong tingnan ng gobyerno ang kaligtasan ng lahat sa anumang bakuna na ituturok nila sa mamamayan at huwag isabuhay ang “to whom it may concern” system.

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV