Sa bahay ang sentro ng GMRC

July 03, 2020

MALAKING balita ang pagtanggap ng publiko sa pagbabalik ng Good Manners and Right Conduct o GMRC sa mga school curriculum.

Indikasyon ito na nasira na talaga ang kabutihang asal ng maraming kabataan kaya nga sabik na sabik na tayong bumalik sa tamang ulirat ang mga batang ito na wala nang pakialam sa kanilang pag-uugali.

Kapag tinignan mo ang FB at ang mga social media, parang normal na lang ang masamang asal, parang normal na lamang ang pagpapalaganap ng kabaklaan sa kahit mga musmos pa lamang, parang normal lang ang pagsasabunutan at pagsusuntukan ng mga estudyante.

Ang mismong kawalan ng modo at wasak na GMRC ang dahilan kung bakit maganda ang treatment sa mga balita kapag may janitor o driver o vendor ang nagsoli ng nakuha nilang wallet na may pera.

Parang big deal sa balita ang mga ganitong karakter dahil nga rare breed na sila. Pero huwag nating kalilimutan na bago nawalan ng modo ang mga kabataan, mayroon munang nanay at tatay ang nagpabaya.

Iyong mga nakikita naging pagala-gala sa kalye na mga musmos at kabataan kahit tanghaling tapat or hatinggabi, hindi naman nila magagawa yan kung may kumakalingang magulang.

Paano mo ipaliliwanag na iyong mga anak mo ay nakatambay sa kalye sa dis-oras ng gabi habang ikaw na nanay or tatay ay nakikipag-inuman or nagbibinggo lang? Or nasa trabaho ka man, hindi ko ito matatanggap na excuse dahil sa dapat may polisiya sa tahanan na ang bata ay nasa bahay sa tamang oras.

Sorry ha, kasi noong kabataan namin, obligadong nasa bahay kami kapag tanghalian at matutulog habang kainitan ng araw. Lalabas lang kami mga 4pm na at uuwi ng 6pm para sa Angelus.

Pero lalabas ulit kami ng 7:30pm sa harap lang ng bahay namin para maglaro then pasok na ulit ng 8:30pm. Pagkatapos pa iyon ng mga gawaing bahay gaya ng paghuhugas ng pinagkainan or pag-iigib.

Huwag nating kalimutan na ang GMRC sa paaralan ay sekondarya lang dahil ang tahanan talaga dapat ang unang maging paaralan ng kabataan. Ngayon panahon ng pandemia, hindi magiging normal ang klase sa mga paaralan dahil marami ang hindi nag-enrol.

Marami rin ang mananatili sa bahay dahil sa blended learning. Paano magagamit ang GMRC kung hindi iiral ang normal na classroom situation? Ibig sabihin, sa bahay talaga mananatili ang maraming kabataan kaya dapat ay sila nanay at tatay or ate and kuya ang huhulma sa tamang asal ng mga kabataan.

Kasama tayo sa mga nagsusulong noon pa na maibalik ang GMRC dahil inabot namin ito sa elementarya  noong mga dekada 70 hanggang 80 kaya nga natutuwa rin tayo sa pabsasabatas nito.

Inuulit natin, huwag iasa sa paaralan o sa komunidad ang paglikha ng mabuting tao, sa loob mismo ng inyong tahanan ang GMRC university na dapat nyong makasanayan.

allanpunglo@gmail.com