Saan hahantong ang sigalot?

January 08, 2020

ANO ba ang nangyayari sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos?

Sa pakiwari natin, gantihan na ang nangyayari.

Bago pa kasi binawalan ni Pangulong Rody Duterte ang dalawang Amerikanong senador na pumasok sa bansa ay nauna ng nag-order ang Estados Unidos na huwag papasukin sa US ang mga nagpakulong kay Senador Leila de Lima.

“We will not sit idly if they (Americans) continue to interfere with our processes as a sovereign state,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Dagdag  pa ni Panelo : “no other state can dictate upon our officials, judges and justices, our method upon which we enforce or interpret our laws vis-a-vis those who are believed to have committed a violation against the same.”

Hindi natin alam kung saan hahantong ang sigalot na ito.

Dapat maayos ang problemang ito na alam nating sinusundan ng marami nating kababayan.

Huwag natin kalimutan na hanggang ngayon ay marami pa tayong kababayan na gustöng magtrabaho o mag-aral sa Estados Unidos.

***

Sana huwag nang bumalik ang panahong sa Aduana nanggagaling ang campaign fund ng mga tusong kandidato.

Dati-rati kasi, kawawa ang mga taga-Bureau of Customs (BoC), lalo na ang mga opisyal at kawani ng BoC na naipasok ng mga politiko sa ahensya.

Sila ang mga obligadong magbigay ng campaign fund sa mga kandidato.

Akala ng mga politikong ito na isang malaking minahan ang Aduana.

Noon, napipilitan ang ilang kawawang taga-BoC na gumawa ng “milagro” para lang may maibigay sa mga politikong ito.  

Mabuti naman at natigil na ang pangongotong ng mga kandidato.

At alam naman natin na hindi papayagan ni Pangulong Duterte na bumalik ang masamang gawaing ito ng mga politiko.  

Ganyan ang gawain ng mga tiwaling politiko sa kagustuhang may pambili ng boto.

Sa totoo lang, ayaw ni Pang. Duterte ang maruming politika.  

***

Hangga’t hindi tumitigil ang pagdagsa ng mga probinsiyano sa Metro Manila ay walang nakikitang solusyon sa pagsisikip ng trapik sa lugar.

Hanggang ngayon kasi ay nasa Metro Manila ang malalaking paaralan at maraming malalaking opisina na sa tingin ng mga taga-probinsiya ay pwede nilang mapasukan.  

Isa pa, mas mataas ang suweldo ng mga manggagawa sa Metro Manila kumpara sa kanayunan.

Kaya naman mas gusto ng  mga trabahador na lumuwas ng Maynila kaysa mamasukan sa probinsiya.

Ang tanging magagawa ng gobyerno ay pakiusapan ang mga probinsiyano na huwag ng lumuwas ng Maynila.

Wala namang batas na nagbabawal na maghanap ng trabaho sa mga syudad.

Isa pang solusyon sa overcrowding at traffic congestion sa Maynila ay ang paglikha ng sapat na trabaho sa kanayunan.  

Kung may magandang trabahong mapapasukan sa mga probinsiya ay hindi na magsisiksikan ang mga tao sa mga urban center.

Siyempre mas pabor ito sa kanila dahil  hindi na nila kailangang umalis sa kanilang mga barangay para ‘di na malayo sa mga mahal sa buhay.

Payag ba kayo, Labor Secretary Bebot Bello?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag/text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)