Home>Editorial>Opinion>Sabit ang Commission on Appointments sa Ambassador Marichu Mauro scandal

Sabit ang Commission on Appointments sa Ambassador Marichu Mauro scandal

MINSAN na rin akong naging bahagi ng Commission on Appointments o CA.

Isa itong attached indepedent office ng Senado at Kongreso na may 24 members.  Labindalawa mula sa Senado, 12 mula naman sa House of Representatives. Ang Senate President ay automatic ex-officio chairman samantalang sa House contingents naman magmumula ang Vice Chairman na ibiniboto sa plenaryp.

Sa CA dumadaan for confirmation ang maraming opisyal ng gobyerno mula sa Cabinet members, military officers at iba pang opisyal. Nakasaad sa 1986 Constitution ang ganito:

The President shall nominate and, with the consent of the Commission on Appointments, appoint the heads of the executive departments, ambassadors, other public ministers and consuls, or officers of the armed forces from the rank of colonel or naval captain, and other officers whose appointments are vested in him in this Constitution.”

Nakasaad ito sa mandato ng CA.

May super power ang isang miyembro ng CA, ang Section 20 na puwedeng  gamitin para suspendihin ang confirmation proceedings ng isang nominado kung sa tingin niya ay hindi ito angkop sa posisyon na walang puwedeng magkuwestiyon.

Ano ba ang importansiya na sabihin ko pa ang pagiging dati kong kawani ng CA noong 1998 hanggang 2001 habang ang Vice Chairman ay si dating Congressman Baby Asistio ng Caloocan?

Nakita ko kasi kung paano ginagawa ang kumpirmasyon ng isang nominee ng lahat ng opisyal, lalo na ng isang Ambassador. Dito tayo huhugot ng talakayan sa pagkakahirang kay Philippine Ambassador to Brazil na si Marichu Mauro na nasa hot seat dahil sa lumabas na video ng kanyang pagmamaltrato sa housemaid niya sa Ambasssodor’s Residence sa Brazil.

Ang mandato ng CA ay tingnan ang fitness at competence ng isang nominado. May mga pagkakataon, hindi maapektuhan kahit ang nominee ay maakusahang dalawa ang asawa or inabandono na ang pamilya or kahit pa may diperensiya sa utak.

Ang mabigat kay Mauro, nakumpirma ang kanyang appointment na ang ibig sabihin ay nagkaroon ng pagkukulang ang CA sa test of characters. Natabunan ng fitness at competence and kanyang karakter na kayang manakit ng isang mahina  na katulad ng kasambahay.

Ibang usapan ito, ugali na sa tingin natin ay kailangang magkaroon ng totohanang background checking sa mga dumaan sa confirmation proceedings. Hindi lang dapat galing at talino ang nagiging batayan ng isang nominado, lalo na sa pagiging ambassador or top diplomat ng Pilipinas na kumakatawan sa ibang bansa.

Alam nyo ba ginagastusan ng CA ang intelligence gathering at background checking ng isang nominee kaya nagtataka tayo kung paanong nakumpirma ang appointment ni Mauro. May sinasabi sa English na “character cannot be built overnight.”

Ibig sabihin, iyong sama o buti ng ugali ng isang tao ay hindi yan biglang susulpot sa utak mo sa iyong kabuuan. Hindi man lang ba nagtanong sa mga kapitbahay ni Mauro ang mga background investigator ng CA? Hindi man lang na-check sa mga naging dating kaopisina ni Mauro kung anong klase ng ugali mayroon ito?

Sigurado ako nagkaroon ng katiwalian sa background checking ni Ambassador Mauro para makalusot  siya sa CA. Guilty din dito ang CA Foreign Affairs Committee na siyang bumusisi sa credentials at characters ni Mauro. Guilty rin ang buong plenaryo ng CA dahil pagkatapos makalusot sa committee investigation, ang buong plenaryo ang magkukumpirma sa nominasyon niya.

Iyong lumabas na video na minamaltrato ni Mauro ang kanyang matandang housemaid na naglabasan sa Brazil TV at sa mga news outfit sa buong mundo ay indikasyon na hindi dapat Ambassador ang kanyang nominasyon sa CA. Mas bagay sa kanya ang pagiging AFP Chief dahil kailangan natin ng ganyan kabangis na hepe ng sundalo na lulupig sa mga nanggugulo sa ating bansa.

Umaasa tayong sa pagkakalantad ng klase ng karakter ni Ambassador Mauro ay magbabago na ang sistema sa CA confirmation na “bata-bata” system at nakukuha sa bulong brigade ang mga miyembro ng komite.

Si Senate President Tito Sotto ang nasa poder ngayon para baguhin at mas maging mabusisi sa pagkilatis ng mga ugali ng mga nominado, lalo na ang pagiging Ambassador or consul sa ibang bansa.

Putulin na ni Tito Sen ang “horse trading culture” and transactional politics sa CA para wala nang makalusot na katulad ni Ambassador Mauro!

Hindi ko ma-imagine na ang isang top diplomat  ng Pilipinas sa ibang bansa ay  super undiplomatic.

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV