Home>Editorial>Opinion>‘Sablay’ si Comm. Greco— na naman

‘Sablay’ si Comm. Greco— na naman

BAGAMAN malamig ang panahon ngayong Kapaskuhan, mainit naman ang naging talakayan ng madlang Pinoy sa “isinubo” ni PACC Commissioner Greco Belgica kay PDU30 na pangalan ng ilang kongresista na aniya ay “sangkot” sa katiwalian sa mga proyekto sa DPWH.

Sapantaha naman ng mga miron, “gusto” lang marahil ni Pang. Digong, sa “pangungulit” ni Sen. Bong Go, na “pagbigyan” at bigyan ng kredibilidad si Comm. Greco kaya kahit alam ni PDU30 na walang matibay na ebidensiya sa mga mambabatas— ayon na rin mismo kay PDU30– ay binanggit niya ang pangalan ng mga mambabatas sa kanyang ‘public briefing’ noong Lunes ng gabi.

Kung inaakala naman ni Comm. Greco na “nakatulong” sa kanya, sa kanyang kredibilidad at sa kredibilidad ng PACC ang kanyang ginawa, eh nagkakamali siya.

Dangan kasi, napansin natin na sa iginawang ‘Zoom press conference’ ni ACT-CIS partylist representative, Eric Go Yap kahapon, bilang reaksyon at pagtatangggol sa kanyang sarili, WALA as in ‘zero’ tayong nabasa na kahit isang reaksyon na sumusuporta sa bintang ni Belgica laban sa kanya!

Translation? Para sa madlang pipol, partikular sa Benguet na kinakatawan rin ni Rep. Eric, ‘zero credibility’ ang akusasyon ng PACC, ahahay!

Aber, kahit sa hanay ng mga beteranong kasapi ng media na hiningan natin ng reaksyon, wala rin makapaniwala sa akusasyon ni Belgica laban dito kay Cong. Eric, peksman!

Eh, sino ba naman ang maniniwala na ang isang “bagitong mambabatas” na katulad ni Cong. Eric na puno pa rin naman ng ideyalismo sa katawan, ang unang “aatupagin” pagpasok sa Kongreso eh, pandarambong aber?

***

Ilang buwan na ang nakaraan at kung babalikan, “nadulas” sa kanyang ‘press conference’ si Comm. Greco nang ipagyabang, ehek, banggitin niya na may mga “miyembro” ng Kongreso na sangkot sa korapsyon sa mga proyekto sa DPWH— subalit wala namang mailabas na kahit isang pangalan.

Dahilan ito upang “harbatin” siya ng mga kongresista, katulad ni Rep. Mike Defensor at Cong. Eric— na kung magbibintang din lang ang PACC, dapat magbigay si Greco ng pangalan para nga naman hindi buong institusyon nadadamay sa kanyang ‘shotgun approach’ na wala namang layunin (sabi nila) kundi mabasa lang sa mga peryodiko at maibalita rin sa mga radyo at telebisyon itong PACC at masabi ng publiko na may ‘relevance’ pa pala ito, hehehe!

At ngayon naman na naglabas ng pangalan— “ginamit” pa si PDU30– eh, “sablay” na naman dahil ang mga pangalan na “isinubo” sa ating mahal na Pangulo, alam nang lahat na karamihan, katulad ni Cong. Eric, eh, hindi naman korap, ano ba yan, hehehe, ayy, huhuhu!

***

‘He who accuse must come with clean hands,’ kawikaan sa English. Kaya ang tanong din ng karamihan ngayon, may “K” daw ba si Comm. Greco na bahiran ng “putik” ang pagkatao ni Cong. Eric (na wala kahit kasong ‘jaywalking’ na kinakaharap sa korte), sa harap ng katotohanan na may kasong korapsyon sa Ombudsman si Comm. Greco?

Kilala natin bilang maginoo at disenteng tao itong si Cong. Eric, dear readers.

Subalit marahil, dahil na rin sa ginawang “pagbalahura” sa kanya at sa kanyang anim pang kasamahan sa Kongreso ni Comm. Greco, tiniyak ni Cong. Eric na sa pagbubukas ng Kongreso sa susunod na buwan, maghahain siya ng resolusyon upang “imbestigahan” naman ang akusasyon ng katiwalian laban kay Comm. Greco.

Ang ‘corruption case’ ni Comm. Greco, dear readers, ay nakasampa na ngayon sa Ombudsman, mula sa hanay ng mga empleyado ng ‘Duty Free Philippines.’

Sakaling matuloy ang pagdinig, “magkakaalaman” na kung sino ang may ebidensiya ng katiwalian, hindi ba dear readers? Kung may ebidensiya ba ang PACC laban sa mga kongresista o kung may ebidensiya ba ang mga nagbibintang laban kay Comm. Greco.

Hindi natin “tinatawaran” ang dedikasyon ni Comm. Greco sa kanyang trabaho at bilang lingkod-bayan, dear readers. Pero marahil, mainam na ilagay niya sa lugar ang kanyang ‘power/ego trip’ para siya paniwalaan, tama ba, PACC chair, Dante Jimenez?

At hindi pa nga niya natatapos “asintahin” ang mga kongresista, ang “target”— na naman— niya, ang Bureau of Customs, ahahay!

Hmm. Ano kaya ang masasabi dito ni Comm. Jagger Guerrero?

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight