Sadsad ang koleksyon ng BoC gawa ng COVID-19

March 11, 2020

SANA humupa na ang nakakatakot na 2019 Coronavirus o COVID-19.

Mahigit na isang daang bansa, kabilang ang Pilipinas,  ang tinamaan ng virus na ito.

Ang masakit, wala pang vaccine laban sa napakabilis na kumalat na sakit.  

Apektado na rin ang ekonomiya ng maraming bansa.  

Sa Pilipinas, may mga nangangamba na baka magkaproblema tayo sa mga gamot.  Ang mga sangkap kasi sa paggawa ng mga gamot ay nanggagaling sa China.  

Kung walang importasyon mula sa China dahil sa COVID-19 ay saan tayo kukuha ng mga sangkap para gamitin sa paggawa ng mga gamot?

Baka ang mangyari ay bumili  tayo ng mga gamot mula sa India at iba pang bansa na malamang na mas mataas ang presyo.  

Sa ngayon, maraming maysakit ang hindi na makabili ng gamot, lalo na ang mga may high blood, diabetes at cancer.

Kailangan ng konkretong hakbang ng gobyerno para hindi malagay sa alanganin ang ating mga kababayan.

***

Sana magsilbing wake-up call sa ating gobyerno ang Coronavirus scare.

Kailangang magising na tayo sa katotohanang hindi puwedeng lagi na lang tayong umaasa sa ibang bansa para magkaroon tayo ng trabaho.

Paano na lang tayo kung wala nang tumanggap ng overseas Filipino workers (OFWs) dahil may epidemya sa Pilipinas.

O baka naman may epidemya ng nakakamatay na sakit sa mga bansang  pupuntahan ng ating mga manggagawa?

Panahon na para lumikha tayo ng mga local jobs para hindi na kailanganin pang mangibang bansa ng ating mga OFWs para buhayin ang mga mahal sa buhay.

Naging dependent kasi tayo sa ibang bansa para mabigyang solusyon ang problema ng kawalan ng trabaho sa bansa.

Napapailing na lang tayo pag naririnig natin ang marami nating kababayan na nagsasabing hindi nila mapag-aaral sa kolehiyo ang kanilang mga anak kung hindi sila magtatrabaho sa labas ng bansa.  

Masakit pakinggan pero totoo naman ito.  

Kung tutuusin maliit din naman talaga ang  kinikita ng mga manggagawa sa bansa.

Hindi sapat para mapag-aral ang mga anak sa kolehiyo.

Hindi katulad ng nga nagtatrabaho sa ibang bansa. Sa nga kanayunan nga, alam mo na kaagad kung sinu-sinong pamilya ang may anak, tatay o nanay na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Malalaki ang mga bahay at may  sasakyan pa.

***

Kung magtatagal pa ang COVID-19, malaki pa ang ibababa ng volume ng importasyon natin.

Siyempre bababa rin ang buwis na makokolekta ng Bureau of Customs.  

Para pandagdag sa koleksiyon ng BoC, dapat magtrabaho ng overtime ang mga Intelligence operative ni Depcom Raniel Ramiro.

Dapat matukoy nila kung saan dinadala ang mga produktong ipinupuslit sa bansa.

Kailangang masakote lahat ng mga kontrabando para isubasta.

Dagdag ito sa kikitain ng ahensya.

Huwag natin kalimutan na talagang malaki ang collection target ng BoC  sa taong ito.

Tumataginting na P731 bilyon ang kailangan kolektahin ng ahensya sa 2020.

Mahirap maabot ng mga taga-BoC  ang “unrealistic” target na ito.

Ngayon pa nga lang ay sadsad na ang koleksyon ng ahensiya gawa ng COVID-19.  

Paano na kaya, Finance Secretary Carlos Dominguez?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoi.com. Ilagay lang ang buong oangalan at tirahan.)