Home>Editorial>Opinion>Safety tips sa mga dumadayo sa laklakan; hindi ito tungkol sa paninisi ng biktima

Safety tips sa mga dumadayo sa laklakan; hindi ito tungkol sa paninisi ng biktima

WALANG anumang oras, pangyayari o sitwasyon ang makapagbibigay ng dahilan para isagawa ang panggagahasa sa sino man. Ang rape sa kanino man ay isang krimen na kaya lamang gawin ng mga taong wala sa katinuan at ito ay mariin nating kinokondena.

Wala pang matibay na kongklusyon ang makapagsasabi sa tunay na nangyari sa flight attendant at wala muna tayong huhusgahan sa mga taong nasa lugar ng pangyayari.

Doon lang muna tayo sa kapupulutan ng aral. Ako, natutunan ko nang hindi pumasok sa mga sitwasyong wala kang magiging depensa.

Kaya nga, hindi ako bumibiyahe nang palubog ang araw dahil alam kong mahirap ang sitwasyon na masiraan ng sasakyan o ma-flat ang gulong sa mga alanganing lugar kapag gabi. Itinakda ko na ang aking sarili na kapag malayo ang biyahe, gusto ko madaling araw o bukang liwayway aalis ng bahay para aabutan ako sa kalsada na mataas na ang araw.

Ganoon din sa pagdalo sa mga imbitasyon, tinitiyak ko na safe ang lugar na pupuntahan ko. Tip ko ito sa inyo, kapag isa o dalawa sa inyong mga kainuman ay may baril, pagkatapos nyong uminom ng isang bote ng beer or tumagay ng dalawang beses, tumakas na kayo. Huwag na huwag kayong makikipag-inuman sa taong may baril. Bagama’t may mga taong matino naman kahit umiinom na may baril pero mayroon ding utak pulbura kapag nasayaran ng markang demonyo ang lalamunan.

Kung wala namang mga baril at masaya lang, okey lang mag-stay pero on limited hours. Ang cue para tumakas, kapag may mga unruly na or nagsimula na ang paksiyon sa kuwentuhan.

At ito ang palagi nyong tandaan, kapag dumayo kayo sa isang okasyon, huwag gawing samalamig ang alak. Ang inom may isip, konti-konti lang ang inom, huwag iyong laklak na parang wala nang bukas.

Ito ang big no-no sa mga inuman na inyong pinupuntahan, kapag may naramdaman kayong gumagamit ng kahit anong droga o marijuana, gumawa na kayo ng paraan para tumakas dahil away ang kasunod nyan. Baka ikaw pa mapagtripan, lalo na mas malakas ka mamulutan kaysa tumagay!

Para naman sa mga kababaihan, huwag iinom ng beer o cocktails na hindi nyo nakita paano itinimpla, lalo na kung maliit na grupo lamang kayo sa isang silid o “unfriendly environment.

Kung beer naman ang ibibigay sa inyo, siguraduhing kayo ang magbukas para alam nyong selyado talaga bago ibinigay sa inyo. At huwag na huwag kayong mag-iiwan ng baso o bote na may laman pa kapag mag-toilet kayo dahil hindi nyo alam kung ano ang puwedeng ipatak o ilagay sa inumin nyo.

Pati sa pagkain, dapat din maingat ang mga kababaihan kapag nakikipag-inuman sa isang grupo ng kalalakihan, lalo na kung hindi public area ang inyong kinaroroonan.

Maraming lalaking mabait kapag nakalagok na ng alak pero aminin man natin o hindi, marami ring kalalakihan ang pinaglalaruan ng demonyo ang utak kapag nakaamoy pa lang ng tansan ng beer.

Kung minsan, iyong mga maling desisyon sa buhay ang nagpapahamak sa iyo kaya importante ang “foresee the accident” attitude sa lahat ng gagawin mo. Kailangan maging “magulang” sa lahat ng sitwasyon dahil hindi mo alam kung ano ang susunod na mangyayari.

Ok lang mag-cheers pero laging keep safe.

Hindi bale nang over acting sa pag-iingat basta laging ligtas.

Sabi nga, it’s better to err on the side of caution. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV