Sagipin ang mga magsasaka

September 06, 2019

MALAKI ang kaibahan ng mga magsasaka sa China, sa Amerika at sa iba pang rice-producing countries tulad ng Vietnam at Thailand.

Sa mga bansang ito, ang magsasaka ay nasa maayos na sitwasyon, karamihan sa kanila ay may sariling mga bahay. Dahil nga sila ang food producers, sila talaga ang dapat mabibigyan ng prayoridad ng estado.

Malayong-malayo sa mga karaniwang magsasaka dito sa atin. Maraming farmers ang nakikisaka lang dito sa atin. Iyong mga walang sariling farmland, suwelduhan lang o kaya naman ay porsiyento sa magiging ani.

Kung may mga magsasaka man na may sariling lupa o mabigyan ng parte ng lupa, ang nagiging katapusan ay naibebenta rin sa mga landlord ang kanilang farmland dahil kaya nga nilang magbungkal nang manu-mano, wala naman silang pambili ng binhi, pang-tubig at pataba.

Ganyan ang nangyari sa mga nabigyan ng shares of stocks na lupa sa Hacienda Luisita, karamihan sa mga nagkroon ng bahagi sa lupa, nauwi rin sa wala. Naipagbili na rin sa original owner dahil walang pangtustos para makagpatanim.

Ang susunod na problema nila, kung makapagtanim at makapag-produce naman ng kanilang mga agricultural products, wala namang buyer. At kung may buyer, sobra naman silang binabarat.

Madalas mangyari yan sa mga vegetable farmers sa Benguet kaya nga nakakita tayo ng mga itinatapon na gulay dahil surplus ang supply, wala namang buyer. Ganyan din ngayon sa rice farmers, mamumuhunan sila P12 hanggang P15 puhunan kada kilo ng palay, bibilhin naman ito ng mga traders sa halagang P14. Kung buwenas, aabot hanggang P17 kada kilo pero talo pa rin sa pagod. Dahil bumabaha pa ng imported rice, lalo na silang binarat.

Dito dapat pumasok ang Marcos at Erap theory of food productions. Panahon ni Marcos, matindi ang surplus ng agri products pero walang natatapon dahil may sariling bagsakan ang gobyerno, ang Kadiwa at ang FTI.

Sa Philippine history, after Marcos, panahon lamang ni former President Estrada nagkaroon ng maayos at matatag na food production ang bansa. Tinupad ni Erap ang center piece ng kanyang program na “pagkain sa bawat hapag.” Si William Dar ang Agriculture secretary ni Erap noon at siya ngayon ang itinalaga ni Pangulong Duterte sa parehong posisyon para ayusin ang problema ng mga magsasaka.

Kailangan natin ng mala-Kadiwa at FTI ni Marcos na may siguradong merkado ang produksiyon ng ating mga magsasaka bago pa sila mamatay sa gutom. Sana ay maikunsidera ni Secretary Dar ang mga konseptong ito dahil ramdam natin ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga magsasaka.

Ang Pilipinas bilang agricultural country ay hindi dapat dumaranas ng kakapusan at pagtaas ng presyo ng pagkain dahil madali tayong makabuhay ng mga pananim at maganda ang ating lupa at sagana rin tayo sa tubig.

Kahit ano pang modernong teknolohiya ang dumating, babalik tayo sa totoong kailangan ng tao, ang pagkain kaya dapat lang na dito sumentro ang ating gobyerno bago pa sa  kung anu-anong bagay.

Sagipin natin ang ating mga magsasaka bago maging sementado ang ating mga kabukiran.
allanpungll@gmail.com