Saklolo PRO4-A chief, Director Ted Carranza

December 10, 2018

LUMAPIT sa atin si Ofhelia P.  Cultura, biyuda ni Engineer Esmael Cultura, 58, na tinambangan ng hindi nakikilalang kalalakihan noong nakalipas na Biyernes sa mismong harap ng kanilang anak.

Ayon sa ginang, wala siyang natatandaang kalaban ang kanyang mister dahil maayos ang trabaho nito bilang mechanical engineer sa American firm sa Alabang, Muntinlupa City

Ang natatandaan lamang niya ay aktibo ito sa kanilang barangay bilang adviser ng bagong talagang chairman sa kanilang lugar. Ang kanilang chairman ngayon ay si Kapitan Cesar Fetalino sa Bgy. Concepcion, Batangas City.

Sa inisyal na pahayag na ipinalabas ni Supt. Sancho Celedio, hepe ng Batangas City Police, sakay ang biktima ng kanilang van, kasama ang kanilang anak, habang nakaparada sa national highway ng nasabing barangay. Tapat lamang ito ng Eternal Garden at nangyari ang krimen sa pagitan ng alas-5:30 hanggang alas-6 ng hapon.

Bisperas ng fiesta sa kanilang lugar nang maganap ang krimen. Bago ang pamamaslang, dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang nagtanong kung saan nakatira si Jimmy Lugo na kapitbahay ng biktima.

Gayun na lang ang gulat ng lahat nang makarinig sila ng sunud-sunod na putok at nakitang duguan ang biktima.

Isinugod pa sa St. Camillus de Lelis Hospital ang biktima, ngunit ideneklarang dead on arrival dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Hinala ng ilan, kung hindi ‘mistaken identity,’ malamang ay ‘panligaw’ ng mga suspect ang paghahanap sa isang nagngangalang Jimmy Lugo.

Sinabi ng biyuda na bagaman walang natatanggap na death threat, batid nitong  marami ang naiinggit sa kanyang asawa dahil sa number one supporter ito ng kanilang kapitan. Lahat ng tulong sa proyektong pambarangay ay ibinibigay nito tulad ng tulong pinansiyal sa pagpapatayo ng basketball court, children’s playground at kahit volleyball court.

Ipinapa-check na ng Batangas City police ang mga CCTV camera sa nasabing lugar, habang patuloy ang ginagawang pagsisiyasat ang follow up operation ng pulisya hinggil dito.

Sa pagkakataong ito, gusto nating manawagan kay Chief Supt. Edward ‘Ted’ Carranza na tutukan sanang ma-solve ang nasabing kaso.

Alam kong hindi nagpapabaya ang Batangas City police station, gayundin ang grupo ni Sr. Supt. Edwin Quilates, pero iba pa rin kung si Gen. Carranza mismo ang kukumpas sa nasabing kaso.

Mabuting mamamayan po si Engr. Cultura. Simple lamang din ang pamilya nito at wala silang ibang adhikain kundi mapaganda ang kanilang pamayanan.

Hindi tanga ang mga kaibigan natin sa Batangas PNP upang hindi ituring na ‘persons of interests’ ang ilang lider (kasalukuyan o dati man) sa Bgy. Concepcion dahil sigurado ang ginang na marami ang naiinggit sa kanyang mister.

Naniniwala akong hindi magpapabaya ang Batangas PNP at umaasa rin akong may personal na gabay dito si Sir Ted na kilala nating ‘action man.’

Para sa kaalaman ng lahat, ang PRO4A na pinamumunuan ni Gen. Carranza ang isa sa may pinakamaraming accomplishments sa buong Philippine National Police. Walang humpay ang kanilang giyera sa ipinagbabawal na gamot, pagtugis sa most wanted criminals at pag-solve sa mga kaso na may kinalaman sa krimen.

Sana lang, mabigyan ng katarungan ni Gen. Carranza ang walang kakuwenta-kuwentang pagpatay kay Engr. Cultura.

Isang napakapait na krimen dahil ginawa ito, ilang araw bago pa man sumapit ang Pasko.

Nakikiramay po tayo sa mga naulila ni Engr. Cultura.