Salamat Senior Police Officer 1 Dayang, Police Officer 1 Burgos at ALPS Bus Inc

December 02, 2018

WALANG duda na maganda ang intensyon ni Pangulong Rody Duterte nang i-deploy niya ang mga sundalo at coast guard sa Aduana.

Sa tingin niya ay panahon na para wakasan na ang tinatawag niyang “anarchy” sa pantalan.

Talaga namang nabigla at nanginig ang mga “salamangkero” sa Aduana.

Ang presensya ng mga armado at unipormadong sundalo at coast guard ay nagpapatunay lamang na seryoso ang kampanya laban sa katiwalian at korapsyon sa Bureau of Customs (BoC).

Naiparating na ni Pangulong Duterte ang kanyang mensahe sa mga taga-BoC.

Hindi kaya panahon na para i-pullout ang mga armadong tropa sa Aaduana?

Kaya ni BoC Chief Rey Guerrero na patinuin ang mga naliligaw ng landas sa BoC dahil kilala itong  disciplinarian at istriktong opisyal ng militar.

Banggitin pa lang ang kanyang palayaw na “Jagger” ay mapapakamot na ng ulo ang mga ismagler at korap sa Aduana.

Dahil panahon naman ng Kapaskuhan ay may mga bumubulong na mas mabuti sigurong i-deploy ang mga sundalo at coast guard sa mga mataong lugar sa Metropolitan Manila.

Nandiyan ang Divisoria, Quiapo, Sta. Cruz, Baclaran, Cubao at iba pang lugar na dinudumog ng mga mamimili.

Kailangan ng mga namimili ang proteksyon ng mga sundalo, pulis at coast guard laban sa mga mandurukot, isnatser, magnanakaw at iba pang masasamang elemento ng lipunan.

Matutuwa pa si Juan dela Cruz kung may mga magbabantay na sundalo at pulis sa Metro Manila.

Ito ang militarization na papalakpak ang taumbayan.

Tataas pa ang performance rating ni Pangulong Duterte kung gagawin niya ito.

Inuulit natin, kayang-kayang ayusin ni Sir Jagger ang sitwasyon sa Aduana.

Nakaya niyang pangalagaan ang peace and order sa buong bansa noong hepe pa lang siya ng AFP.

Walang dahilan para hindi niya magawa ito sa iisang ahensya -- ang BoC.

Isa pa, iilan lang naman ang mga bugok na taga-BoC.

Hindi ba, Heneral Guerrero?

* * *

Magsisimula na sa December 15 ang taunang Christmas vacation ng mga estudyante.

Bakasyon grande na naman ang mga bata.

Pero tama ang mga eksperto.

Dapat bantayang mabuti ang mga bata para hindi sila malulong sa paggamit ng mga gadget.

Ayon sa mga eksperto, maraming masamang epekto ang dulot ng pagkalulong sa mga gadget.

Masama raw ito sa kalusugan ng tao, lalo na sa mga bata.

Hindi pagmamahal sa bata ang payagang maging adik sila sa paggamit ng celfon at computer.

Maraming nakakaayang libangan ng mga bata.

Hindi lang magastos ang magkasakit sa panahon ngayon.

Baka ikamatay pa ng ating mga anak ang pagkalulong sa paggamit ng mga tinatawag na “wonders of modern technology.”

Tsk tsk tsk...

* * * 

Nagpapasalamat si Ginoong Danilo Peralta kina SPO1 Christoper Dayang, PO1 Mark Anthony Burgos at  ALPS Bus Inc.

Noong kasing Sabado, Dec 1, dakong alas-tres ng hapon ay sumakay ng ALPS Bus sa Rosario, Batangas, na biyaheng Cubao si Peralta. Pagdating ng Turbina, Calamba ay bumaba ng bus si Peralta upang umihi at dito na siya naiwan nang sinakyang ALPS bus.

Naiwan sa nasabing bus ang kanyang bag na may lamang  P40,000  at iba pang personal na bagay. Mabuti na lang at naipagbigay alam niya agad ito kina SPOI Dayang at PO1 Burgos ng Laguna PNP na kasalukuyang nagroronda lulan ng kanilang patrol car.

Agad namang nakipag-coordinate sina Dayang at Burgos sa pamunuan ng ALPS.

Kaya naman laking pasasalamat ni Peralta dahil pagdating niya sa Kamias Station ng ALPS ay buong-buo at walang kulang ang pera at iba pang personal na gamit niya.

Mabuhay kayo SPO1 Christopher Dayang, PO1 Mark Anthony Burgos at ALPS Bus Inc.!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)