Saludo kay Supt Sarmiento at sa buong Paranaque Police!

SA kabila ng dagdag na trabaho sa pagtutok sa paglaban sa COVID 19 pandemic, hindi nagpapabaya ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang pangunahing tungkulin laban sa kriminalidad.

Pinatunayan ito ng ilang miyembro ng PNP na nakipaglaban sa mga kriminal at terorista sa magkahiwalay na insidente sa Paranaque City.

Noong nakalipas na Father’s Day, June 21, bitbit ng grupo ni P/Lt. Armand Melad ang kanilang misyon na "to serve and protect" sa shootout na nangyari sa Barangay Baclaran.

Sinita sa checkpoint ng grupo ni Melad ang dalawang lalaki sakay ng motorsiklo sa Unida St. sa Barangay Baclaran nang biglang paputukan ng backrider ng motor ang mga pulis.

Bagama't sugatan, nakuha pa ni  Melad makaganti ng putok sa mga suspect na naging dahilan upang mapatay si Moamar Dimasangcay Sarip, alyas ‘Utak' habang nakatakas ang kasama nitong si alyas ‘Mero.’  Kapwa sila isinasangkot sa sindikato ng droga.

Namatay sa shootout si Melad, assistant Sub-station commander ng Baclaran PCP, habang sugatan ang kanyang kasama na si P/Corporal Allan Baltazar.

Masakit ang pangyayari lalo  sa pamilya ni Melad na namatay sa mismong Father's Day na dapat noong mga oras na iyon ay kasama ang kanyang mga mahal sa buhay, ngunit mas piniling gampanan ang kanyang tungkulin na naging dahilan din ng kamatayan.

Kung tutuusin ay hindi sapat ang paggawad ng Medalya ng Kagitingan sa ating mga pulis na itinataga ang kanilang mga buhay para sa ating kaligtasan. Ako mismo, sampu ng aking pamilya ay nagpapaabot po ng pakikiramay sa pamilya ni Lt. Melad na isang tunay na dakila, bayani at matapang na alagad ng batas.

Nito namang araw ng Biyernes, muling ipinamalas ng Paranaque City PNP, kasama ang tropa ng military, nang salakayin ang kuta ng  ilang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Better Living, Barangay Don Bosco sa nasabing lungsod.

Patay sa operasyon ang mga teroristang sina Merhama Abdul Sawari, Bensaudi Sali, Rasmin Hussin at Jamal Kalimming.

Nasugatan sa operasyon si Police Corporal Ehrol Gamboa ng National Capital Region Police Office.

Batid nating lahat na walang pinipiling panahon ang terorismo at droga na kahit nasa ilalim tayo ng quarantine ay patuloy ang kanilang pagsasamantala at operasyon.

Kaya naman saludo tayo sa ating magiting na pulis at militar na wala ring sawa at pagod sa pagprotekta sa sambayanan.

Saludo tayo kay Supt. Robin Sarmiento, hepe ng Paranaque City police station, gayundin sa pamunuan ng Sothern Police District (SPD) na nasa ilalim ng pamamahala ni Brig. Gen. Nolasco Bathan.

Ang mga ganitong uri ng ‘accomplishments,’ bagaman namatayan ng magiting na ‘junior officer’ na katulad ni Lt. Melad, ay tunay na nakakahanga.

Muli, saludo po ang ‘Uncovered’ sa inyo, Gen. Bathan at Supt. Sarmiento!

Mabuhay ang Paranaque Police Station at Mabuhay ang PNP!