Saludo sa Philippine Drug Enforcement Agency!

February 04, 2019

PANIBAGONG malaking accomplishments na naman ang naitala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong nakalipas na Linggo.

Ito’y matapos mapatay ang dalawang Chinese National na umano’y bigtime drug suppliers sa bansa, kasabay ng pagkakasabat sa 274 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P1.9 billion.

Salamat sa walang pagod at walang takot na pagsisikap ng PDEA upang mapagtagumpayan ang giyera kontra droga ng Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin siyempre ang maayos na kooperasyon ng Police Regional Office (PRO) 4-A at ng Cavite Police Provincial Office (CPPO).

Unang dapat saluduhan sina PDEA Chief Aaron Aquino at Atty. Ruel Lasala, deputy chief ng PDEA, dahil personal na tinutukan ng mga ito ang bawat galaw ng kanyang mga tauhan.

Partikular sa may malaking role sa nasabing operasyon sina PDEA-4A chief Director Adrian Alvarino, PDEA-IIS Director Jigger Montellana, PDEA-NCR chief Director Joel Plaza at siyempre ang buong ‘intelligence community’ kabilang na ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).

Dapat ding papurihan sina Chief Supt. Edward Carranza, PRO4-A Director; at ang grupo ni Sr. Supt. William de Segun, Director ng Cavite PPO.

Naganap ang raid dakong alas-4 ng hapon sa isang bahay sa Bgy. Amaya 1, Antero, Soriano Highway, Tanza, Cavite.

Kinilala naman ang mga napatay na suspek na sina Vincent Du Lim at Hong Li Wen, kapwa mula sa Fujian, China.

Nabatid ng isang buy-bust operation ang isinagawa ng mga awtoridad at nang makatunog ang dalawang suspek na mga pulis ang kanilang katransaksiyon, nagtangkang bumunot ang mga ito ng baril dahilan upang paputukan sila ng mga awtoridad.

Sinabi ni Lasala na ang pagkakapatay sa dalawang suspek na Chinese nationals ay patunay na hindi lamang mga ‘small time drug pushers’ ang nalilikida ng mga awtoridad.

Tulad ng kautusan ng Pangulong Duterte, walang dapat sinuhin sa kanilang kampanya sa pagsugpo laban sa ipinagbabawal na gamot.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang mga narekober na bultu-bultong shabu ay mula pa sa bansang China. Ipinarating umano ito sa baybayin ng Ilocos province saka dinala sa lalawigan ng Cavite.

Kung ating matatandaan, sa General Mariano Alvarez, Cavite naman narekober ang dalawang magnetic lifter na nakalusot sa Bureau of Customs papasok ng bansa noong nagdaang August 2018.

Walang narekober na shabu sa mga magnetic lifter, pero sinisiguro ng mga awotiridad na pinaglagyan ito ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 billion, base naman sa nakuhang mga shabu sa dalawa pang magnetic lifters na narekober sa Manila International Container Port (MICP) kung saan may laman itong 500 kilo ng shabu.

Sa ganang akin, malaking bagay ang mga accomplishments na ganito ng PDEA.

Una, pinatunayan nila na hindi tumitigil ang mga awtoridad sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot.

Totoo rin ang sinabi ni Lasala na hindi lamang mga small time ang kanilang napapatay at naaaresto, kundi mga bigtime drug lord din.

At sa pagkamatay ng dalawang Chinese drug lords, mensahe na rin ito sa sindikato ng droga na pinapatay na sa Pilipinas ang mga drug supplier na Chinese.

Madalas kasing napag-uusapan na kaya malalakas ang loob ng mga Chinese National na magpakalat ng droga sa bansa dahil alam nilang walang ‘death penalty’ sa Pilipinas, bukod pa sa katotohanang madaling masuhulan ang ilang awtoridad.

Sa nangyari, babala na ito sa mga Chinese nationals, may paglalagyan sila sa PNP at PDEA ngayon!

Sana lang, Atty. Ruel Lasala, ay hindi na ma-recycle pa ang mga narerekober nilang tone-toneladang shabu.

Muli, congratulations uli sa PDEA at PRO4-A!