Sampulan na ang mga pasaway na LGU

April 04, 2020

ILANG araw na lang at magpapasya ang IATF kung tatapusin na ang Enhanced Community Quarantine sa Abril 14 o palalawigin pa ito.

Ang magandang balita ay ilang araw ng mababa ang bilang ng mga nag-positibo ng COVID-19. Ibig sabihin 80% ng nag patest, negatibo.Salamat sa Diyos.

May tatlong  bagay akong  nakikita na naghihiwalay sa mga bansang nagtatagumpay at naiiwanan sa laban sa pandemic ng COVID-19 virus. Ang una ay ang  tibay ng health system infrastructure ng bansa, ang pangalawa ay ang logistics infrastructure ng bansa at ang ikatlo ay ang pagiging alisto ng gobyerno.

Ang mga bansa tulad ng Germany, Russia, Singapore, South Korea at Taiwan ay  mayroon ng lahat ng ito kaya’t hindi ganoon karami ang mga nagkasakit sa kanilang lugar at pahupa na ang bilang ng mga nahahawahan ng COVID-19.

Samantala ,ang mga bansa tulad ng Estados Unidos, Espana at Italia ay nahuhuli sa laban sa pandemic dahil may nakatulog sa pansitan at hindi naging listo sa pagpataw ng “travel restrictions” at iba pang mga hakbang tulad ng social distancing at quarantine.

Mabuti na lang at tayong mga Pilipino ay nakatira sa isang “archipelago”, kumpol kumpol na mga islang napapalibutan ng dagat na nakakatulong paramapigil ang galaw at paglibot ng mga tao .

Nakakatulong din marahil na tag-init sa buwan ng Marso, Abril at Mayo sa Pilipinas. Ang init ng temperatura na 32-34 degrees Celsius ang nag-adya sa atin sa SARS at Avian Flu at malamang sa COVID-19 din.

Hindi natin maikakaila ang malaking problema sa health at logistics infrastructure ng bansa. Maraming kulang na gamit ang mga frontliners, may problema sa komunikasyon ang nagbigay ng utos at ng mga nagpapatupad nito, nababalam at nahaharang ang pag-deliber ng pagkain sa Metro Manila dahil sa mga pasaway na LGUs na sumabay sa mga PNP Checkpoints upang harangin ang mga trak.

Kailangan daw magbayad muna ng Pass Through Stickers ng Probinsiya, Munisipyo o Barangay dahil may ordinansa ng pinapatupad sa mga lugar na ito. Ilang ulit na pong sinabihan ng DILG  ang mga LGU na bawal maningil ng buwis o ano mang fees sa mga trak at iba pang sasakyan na naghahatid ng mga produkto. Maliwanag naman ang Section 133 ng Local Government Code.

Binalaan na ng mga DILG memorandum circulars ang mga LGUs na makakasuhan sila.    Marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit ang Bayanihan Heal as One Act ay nagpapataw ng parusa sa sinuman lalabag sa utos ng pamahalaang Nasyonal sa pagpapatupad ng batas na ito.

Dahil sa Bayanihan Heal As One Act o RA 11469, mayroon P200B na tulong ang pamahalaan nasyonal para sa 18 Milyon households na apektado ng ECQ. Ang una ng tatanggap ng tulong pinansyal ay ang mga 4Ps beneficiaries na kukubra ng kanilang allowance na P2k para sa buwan ng Abril at may dagdag na P5k para sa labas ng NCR at P8k para sa mga taga-NCR. Gamitin po natin ang pera sa pambili ng pagkain at iba pang pangangailangan ng pamilya para makatawid tayo sa pesteng ito.

Ngunit nakakalungkot sapagkat walang pinamigay na Social Amelioration Card forms ang  isang LGU dito sa NCR. Ang mga SAC forms ay iproproseso ng DSWD upang maibigay agad ang tulong pinansyal ng pamahalaang nasyonal sa mga Bayanihan beneficiaries tulad ng mga driver na hindi nakapasada.

Sinuway ito ng nasabing LGU sapagkat magagalit daw sa kanila ang mga pamilya na hindi mabibigyan ng tulong. Kitang kita sa  isang FB post na  sinusumbatan ng  isang senador , na kapatid ng Mayor ng LGU na ito, ang DSWD dahil ang bibigyan lang ng P8k  ay 95k pamilya samantalang ang LGU ay may 150k pamilya batay sa 2015 Census. “Maiipit na naman ang mga barangay at LGUs natin sa mga tao” wika ng senador sa FB post.

Hindi marahil nauunawaan  ng senador ang konseptong “scarcity of resources”. Ito ang dahilan kaya kailangan ng cost benefit analysis at makita ang opportunity cost at trade off sa pag-gamit mo ng “scarce resources”. Hindi dapat batikusin ng senador na ito ang DSWD sapagkat siya ay bahagi ng Senado na gumawang batas ng Bayanihan. Maliwanag ang guidelines ng batas kung sino lamang ang tatanggap ng tulong.

Ang mga mahihirap na apektado ng husto ng ECQ. Imposible ang gusto ng senador na itaas sa 150K pamilya ang tutulungan. Hindi ito panahon ng epal at pagpapapogi gamit ang pondo ng bayan. Ang pamumulitika ng mga LGU ang dahilan kung bakit inalis na sa kanila ang pakikialam sa paghahatid ng tulong sa mga Bayanihan beneficiaries.

Binilisan ng Kongreso ang pagpasa ng batas para agad maibigay ang tulong sa mahihirap dahil wala ng laman ang mga kaldero nila. Sa kabila nito,sinakripisyo ng ilang politiko ang mga mahihirap sa lugar na ito sa NCR dahil sa takot sa inaakalang galit ng mga mayayaman na hindi mabibigyan ng P8k. Sampulan na ng DILG ang mga pasaway na LGU.