Home>Editorial>Opinion>Samu’t saring pulitika

Samu’t saring pulitika

NANGANGAMOY pulitika na sa lalawigan ng Quezon. Hindi pa natin alam kung saan aabot ang pulitika ni 4th District Congresswoman Helen Tan dahil last term na ito.

Ang problema, si congresswoman ang nasa pulitika sa Quezon pero iyong mister niyang nananahimik sa DPWH Region 1 na si Engr. Ronnel Tan ang hinahataw. Baka naman akala ng mga miron ay tatakbong gobernador ng Ilocos si Congresswoman Tan.

O kaya naman, baka si Director Tan ang pinaghihinalaang may planong kumandidatong gobernador sa Quezon kaya siya nadadamay sa isyu?

Ang mabigat, isinakay pa sa DPWH issue sa paghataw kay Director Tan. Ito iyong tinatawag na hampas sa kabayo, latay sa dalawang kalabaw!

Hindi natin malaman ngayon kung si Congresswoman ba ang target ng mga black propaganda o ang DPWH talaga ang gustong gibain.

Tanong, sino ang may kapasidad at may motibo sa mga isyung ito?

E, di itanong nyo sa pagong!

***

Dito sa Quezon City naman, umuugong na magbabalik sa pagtakbo si former mayor Herbert Bautista laban kay incumbent Mayor Joy Belmonte.

May 3rd force na balita ring gustong sumabak sa mayoralty race sa lungsod, si Anak Kalusugan partylist Representative Mike Defensor na taal ding taga-Quezon City.

Tumutunog din si Senate President Tito Sotto pero incumbent vice mayor ang anak na si Gian. Maliban na lamang kung patitigilin na ni Tito Sen si Gian sa pulitika para si erpat na lang ang tumakbo.

Baka nakalimutan nyo na, si Tito Sen ay naging bise-alkalde rin ng Kyusi.

Maaksiyon ang Quezon City sa mga susunod na buwan dahil kaabang-abang ang realignment of forces ng mga pulitiko.

Ano sa tingin mo Congressman Winnie Castelo?

***

Sa national scene naman, nagpapakiramdaman pa kung sino ang ulo at sino ang vice president.

May mga pumoporma na sa pagka-Presidente pero ilan lang ang maingay. Sa tingin ko, iyong mga naunang pumupostura ay vice president lang talaga ang gusto dahil alam naman nilang kailangang super lakas ang presidential candidate kahit hindi pa lumulutang at umaamin.

Abangan natin kung sinu-sino ang mga ‘yan. Ang importante lang sa ngayon, itinaas ni President Duterte ang standard ng isang lider na masyadong malakas ang political will kaya medyo mahihirapan ang paarte-arte lang na kandidato.

Maglulutangan na ‘yan sa 1st quarter ng susunod na taon dahil Oktubre 2021 na ang filing ng certificate of candidacy.

Abangan. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV