Sana magtuloy-tuloy na ang magandang palakad sa BoC

February 10, 2019

KARAPATAAN ng isang hepe na balasahin ang kanyang mga opisyal at tauhan “In the interest of service.”

Pero kapag panahon ng eleksyon, kailangan munang  aprobahan ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng personnel movements sa gobyerno.

Ito ay para maiwasan na magamit sa politika ang pag-hire ng mga bagong empleyado, pag-promote o paglipat ng mga personnel.

Kaya naman ngayon ay naghihintay ng approval mula sa Comelec ang reshuffle sa BoC.

Ayon sa balita, kulang-kulang 200 personnel ang sakop ng exemption sa election ban na hinihingi ni BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero.

Karamihan dito ay mga bagong empleyado na magtatrabaho sa ESS at XIP.

Kailangan ng BoC ang dagdag na tauhan para lalong mapabuti ang serbisyo nito.

Ilang taon na din nabakante ang ilang puwesto sa BoC dahil umano sa kakulangan ng pondo.

Ang magandang balita ay tuloy-tuloy naman ang magandang tax collection performance ng BoC.

Sa katunayan, nahigitan na naman ng BoC ang assigned tax take noong nakaraang Enero.

Nangangahulugan lang na nakuha na ni Comm. Rey ang trust and confidence ng mga taga-Aduana.

Sana magtuloy-tuloy na ang magandang palakad diyan sa waterfront.

Ito ay para magkaroon na rin ng kapanatagan ang mga stakeholder dyan sa BoC.

* * *

Panahon na naman ng kampanya.

Wala kang mababasa sa mga diyaryo, maririnig sa radyo at mapapanood sa telebisyon kundi magagandang programa ng mga kandidato.

Ang problema ay pagkatapos ng eleksyon.

Nagkakaroon ng amnesya ang mga kandidato.

Nakakalimutan ang mga pangakong binitawan sa panahon ng kampanya.

Mababalitaan mo na lang na ang inaatupag na lang ay ang kanilang negosyo.

Kaya para sa mga nagbenta ng boto.

Hindi kayo makapagre-reklamo dahil  binayaran kayo noong eleksyon.

Baka kayo pa ang murahin kapag nagreklamo.

Nagpabayad kayo, kapatid, kaya wala kayong karapatan magreklamo  pagkatapos ng halalan.

Sabi nga ng mga matatanda, laging nasa huli ang pagsisisi.

* * *

Tama naman ang mga opisyal at empleyado ng mga barangay.

Kumpara sa mga regular na kawani ng gobyerno, ang mga taga-barangay ang pinaka-kawawa.

Wala silang bakasyon. 24/7 ang kanilang trabaho, walang suweldo kundi ang katiting na honorarium.

Ang problema, sila ang nasisisi kapag may nangyaring nakawan, patayan o kaguluhan sa barangay.

Bukod diyan, marami ding  trabahong pinapagawa sa kanila.

Napapailing na lang ang mga opisyal, lalo na ang mga chairman, tesorero at sekretaryo.

Paano mo uunahin ang trabaho sa barangay eh,  kailangan mong kumayod para may maipakain ka sa iyong pamilya.

Kung maysakit ang anak, asawa, nanay at tatay mo, hindi puwedeng hindi ka magtrabaho para maipagamot sila.

Nakalulungkot ang kalagayan ng mga taga-barangay

Ang kailangan nila ay pang-unawa at awa hindi mura.

Tsk tsk tsk.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)