Sana matigil na ang paglaganap ng dengue

August 18, 2019

TULOY-TULOY pa rin ang pagbalasa sa mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BoC).

Tinawag na “massive” ang huling rigodon. Marami kasing opisina ng BoC ang sakop nito.

Sa totoo lang, saklaw ng pagbalasa ang halos lahat ng operating units at opisina.  

Tatlumpu’t-tatlo sa limampu’t-dalawang ipinatawag sa Malacañang ay inilipat na sa tinatawag na “BoC freezer.”  

Mananatili dito ang 33 habang dinidinig ang kani-kanilang  mga kaso.

Kasama din sa reshuffle ang Enforcement and Security Service (ESS) ng Enforcement Group (EG), Port of Manila,

Manila International Container Port, Clark, Cebu, Tacloban, Surigao, Legazpi, Zamboanga, Batangas at Ninoy Aquino International Airport.

Kasama pa sa reshuffle ang mga personnel ng Motor Vehicle Monitoring Compliance Office at Environmental Protection and Compliance Division.

Suportado ng maraming sektor ang ginagawang pagbalasa ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa kanyang mga opisyal at tauhan.

Naniniwala silang walang personalan ang balasahan.

Ginagawa lang ito ng dating hepe ng Armed Forces of the Philippines para mapabuti ang serbisyo sa Aduana, lalo na’t malapit ng matapos ang taon.

Apat na buwan na lang at malalaman na kung maaabot ng BoC ang mataas na revenue collection target nito sa  2019.

Kaya nga kayod-kalabaw ang ginagawa ng mga taga-BoC.

Trabaho lang Sir Jagger.

***

Maraming magsasaka ang ayaw nang magtanim ng palay.

Hindi sa katamaran kundi sa takot nilang malugi.

Paano ba namang hindi sila malulugi, eh, magastos magtanim ng palay pero sigurado namang bagsak presyo ang palay dahil sa pagdagsa ng rice imports.

Pabor ito sa mga consumer pero pahirap naman sa mga magsasaka.

Dito na tayo malilintikan dahil siguradong tataas na ang presyo ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Tapos na rin ang food self-sufficiency program ng gobyerno.

Nakakalungkot naman!

***

Sana matigil na ang paglaganap ng nakamamatay na dengue.

Huwag na tayong magturuan kung sino ang nagkulang at tumaas ng husto ang bilang ng mga nagkasakit ng dengue.

Pati bilang ng mga namatay sa sakit na ito ay nakalulungkot.

Alam naman natin na dumarami ang nagkakasakit ng dengue tuwing tag-ulan.

Maliwanag na nagkulang tayo para maiwasan sana ang paglobo sa bilang ng dengue cases.

Dapat ito ang pag-tuunan ng pansin.  

Kung paano mapuksa ang mga lamok na nagdadala ng dengue virus.

Kung hindi, baka lalo pang lumala ang sitwasyon.

Tsk tsk tsk....

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pabgalan at tirahan. )